Ni-long distance (mahal kung iti-text) ako ng mga bruha kong sekretarya para lamang ikuwento ang napaka-matagumpay na premiere night ng My Monster Mom na ginanap nung Sunday evening sa dalawang sinehan sa Megamall.
Both theaters are full, suportado ito ng press, ng mga ordinaryong tao at maging ng pamilya ni Mama Annabelle Rama. Pero, hindi ito ang malaking rebelasyon ng pelikula kundi ang kahusayan bilang komedyana ng ina nina Ruffa, Richard, Raymond, Richie Paul at iba pang anak. At parang hindi raw ito umaarte. Parang ang mga eksena niya ay kinuha sa tunay na pangyayari sa kanyang buhay kaya buong husay niyang nabigyan ng tamang reaksyon.
Hind kataka-taka kung isunod agad ng Regal at GMA Films ang sequel nito. Hindi ba nagkamali ang mga sekretarya ko?
* * *
Wagi rin daw ang pagsisimula ng Ako si Kim Samsoon! Sulit ang ipinaghintay ng manonood sapagkat sa unang episode pa lamang ay nakita na agad ang potensyal ng serye para maging isang big hit. Bagay si Regine Velasquez sa kanyang role na akala ng marami noong una ay mag-o-over act pero tama lang sa hinihingi ng kanyang role ang acting ni Songbird na pumayag na papangitin siya para sa karagdagang effect.
Hindi nakabawas sa kanyang charm ang katabaan ni Kim Samsoon.
May chemistry din daw sila ni Mark Anthony Fernandez who should be grateful dahil malaking tulak ang gagawin ng serye para sa kanyang career.
Ang guwapo raw ni Mark at hindi kumukupas ang galing sa pag-arte kahit na sa isang sitcom na isang bagong hamon sa kanya.
Natutuwa ako na nabalikan ng buung-buo ni Mark ang trabaho na mahal niya at kung saan pwede siyang makilala ng husto.
* * *
Kaya naman naungusan na ng Showbiz Central ang katapat nilang programa sa kabilang istasyon ay dahil sa kasipagan ng mga nasa likod ng kamera na makaisip ng mga bagong panoorin para sa programa.
Hagalpakan sa tawa ang mga sekretarya ko nang mapanood nila si Lolit Solis na guest sa Don’t Lie To Me segment nito na kung saan iniwan niyang nag-iisip ang mga manonood kung alin ang mga dapat nilang paniwalaan sa naging sagot niya. Tulad ng kung totoo bang vegetarian si Yasmien Kurdi? At si Mark Herras na hanggang ngayon ay may pagkakagusto pa rin kay Jennylyn Mercado?
At yung isyu na more than alaga ang naging trato niya kay Gabby Concepcion, malabo pa rin sa isip ng manonood but she gave her answer. Hindi rin malinaw kung naging more than classmates sila ni Joey de Leon.
Hanggang sa dulo pag-iisipan at pag-iisipan ng mga manaonood kung alin sa mga tanong ang nabigyan ng tamang sagot ni Lolit. Inunahan kasi niya na lahat ay lie ang isasagot niya para lamang mapahirapan sa pagsasayaw si John “Sweet” Lapus. Ang galing niya, ’di ba?
* * *
Ang dami kong nakikitang mga dating artista dito sa US. Magaganda na rin ang mga buhay nila, kaya hindi na nakakaisip pang umuwi diyan sa atin. Pagdating ko’y mababasa n’yong lahat ang kuwento nila. Promise!