Ces nasira ang pagiging pustoryosa

Napakagulo ng senaryo. Pinanindigan ng ABS-CBN ang no ransom policy ng kumpanya, pero ngayon ay lumulutang ang katotohanan sa likod ng pagpapalaya kina Ces Drilon, Angelo Valderama at Jimmy Encarnacion, nagbayad-nagbigay pala ng ransom ang pamilya ng newscaster.

Sa ganung sitwasyon ay madaling intindihin ang pamilyan ni Ces, walang hangad ang mga ito kundi ang mailigtas ang kanilang kapamilya, kami man siguro ay ipangungutang namin ang senaryo kung sa anak namin nangyari ang ganun.

Pero nagkaroon ng onsehan sa ibinigay na ransom ng pamilya ni Ces, nag-aalburoto ang mga bandido, dahil ang limang milyong piso ay naging dalawang milyon na lang.

Nagturu-turuan na ngayon ang mga sangkot sa istorya ng onsehan, meron nang kinasuhan, at meron pang ibang makakasuhan dahil sa pangangangkong ng ransom.

Para sa pamilya ni Ces Drilon, malaking halaga ang limang milyon, pero walang katumbas na halaga ang buhay ni Ces, nawasak lang ang kanilang bulsa dahil sa ransom, pero buhay na buhay naman ang kanilang anak.

Pero totoo kayang meron pang isang malaking pigura sa mundo ng pulitika na sangkot sa nawalang tatlong milyon mula sa ransom? Siguradong isang araw ay lulutang din ang anggulong yun.

Kaliwa’t kanang pamumuna naman ang tinatanggap ngayon ni Senator Loren Legarda, parang huling eksena na lang daw kumbaga sa pelikula nang pumasok siya, pero kung bibigyan naman natin ng interpretasyon ang mga yakap sa kanya ni Ces Drilon nang makalaya na ito ay parang si Senadora Loren ang talagang gumawa ng paraan para mapalaya ang grupo.

May mga sektor namang nagsasabi na lumutang na lang ang senadora nung makapagbayad na ng ranson ang pamilya ni Ces, yun ang panahong pinalaya ang una nilang kasama (si Angelo Valderama), parang lumalabas tuloy na masyadong sigurista ang magandang senadora.

Meron pang kuwento na may iskrip daw ang pagbaba sa eroplano ng grupo nung bumalik na sa Maynila, kailangang si Senator Loren daw muna ang unang lalabas, at pagkatapos nang ilang minuto ay saka kailangang lumabas si Ces at ang kasama nitong cameraman.

Hanggang dun ba naman ay meron pang direktor at scriptwriter? Maraming nagsasabi na gamit na gamit ng Senadora si Ces sa pagkakataong ito, pero kung kami naman ang tatanungin, nagagamit man ngayon si Ces sa sitwasyon ay wala naman itong pamimilian.

Sa puntong nakaumang na ang ulo natin sa sangkalan, ang ituturing nating bayani siyempre ay ang taong makapipigil sa may hawak ng tabak, anumang paraan o proseso ang pinagdaanan ng pagkapigil na yun.

Kay Ces Drilon na mismo nanggaling, si Senadora Loren daw ang nagsilbi nitong lifeline nung mga panahong nasa mga kamay pa ito ng mga bandido, ang mismong salita ng biktima ay hindi maaaring kuwestiyunin ng mga nagmimiron lang.

* * *

Pagdating sa usapin ng pagiging pustoryosa ay nangunguna si Ces Drilon sa mga newscasters ng Dos. Noon nga, kahit sa kanyang pagbabalita ay para siyang punkista, nakatayo ang kanyang buhok at ang damit niya ay parang pang-party.

Pinansin namin ‘yun, alam naming sumama ang loob sa amin ni Ces, pero ang mahalaga ay ang naging resulta ng aming pagpuna. Ilang araw pagkatapos ay hindi na parang natatakot ang kanyang buhok sa pagtayo, angkop na rin sa kanyang trabaho ang suot niyang damit, lumalagay lang naman kasi tayo dapat sa tama.

Nabanggit namin ito dahil nung palayain sina Ces ay kitang-kita ang pagiging magaspang ng kanyang mukha, kitang-kita ang matinding sakripisyong pinag­daanan niya sa bundok sa loob nang mahigit na isang linggo, nasira ang pagiging pustoryosa niya dahil ang una niyang malasakit ay ang kanyang buhay at kaligtasan.

Tissue paper ang bilin niya nung minsan, ang hirap nga naman kasi sa kanilang kinaroroonan, hindi kilala ni Ces ang kantang, “Sa bukid walang papel, ikaskas mo sa pilapil.”

Show comments