May mga nagtatanong sa akin kung bakit ayaw nang mag-showbiz ni Lorna Tolentino?
Mali po ang pagkakaintindi ng iba. Hindi totoo na ayaw na ni LT na bumalik sa showbiz dahil sa pagkamatay ni Rudy Fernandez.
Magpapahinga lamang si LT at gaya nang palagi niyang sinasabi, haharapin niya ang mga huling bilin ni Rudy.
Mentally, physically at emotionally exhausted si LT kaya kailangan niya ng mahaba-habang bakasyon.
* * *
Maraming organisasyon na ang nagtutulung-tulong para masugpo ang piracy problem ng bansa, pero matagal pa bago tuluyan itong mawala. Kaya naisip ni Congressman Irwin Tieng, na imungkahi sa Kongreso na ipasa ang House Bill 4117 (Anti-Camcording Act of 2008) sa first regular session ng ika-14 na Kongreso.
The who si Congressman Tieng? Siya ang isa sa mga sumusuporta sa local movie industry.
Layunin ng HB 4117 na ipagbawal at parusahan ang hindi awtorisadong paggamit ng audiovisual recording devices para i-record ng walang pahintulot ang mga pelikula, soundtrack, at iba pa, sa mga sinehan.
Makakatulong ito para mabawasan, kung hindi matigil ang ilegal na pag-kopya ng mga pelikula na nakakasira sa ekonomiya ng bansa.
“Ako, bilang mambabatas, ay laging nag-iisip ng paraan para makatulong sa ekonomiya ng bansa,” saad ni Cong. Tieng. “Malaking problema ang piracy at dapat sama-sama nating harapin ito.”
Bukod kay Cong. Irwin, ang HB 4117 ay ini-akda rin nina Reps. Rene Velarde and Ma. Carissa Coscolluela.
“Kung hindi natin mapipigilan ang piracy, baka tuluyan nang mamatay ang industriya,” saad pa ng batang mambabatas. “Malaki ang parte ng industriya sa buhay ko. Gagawin ko ang lahat para protektahan ito.”
* * *
Showing ngayon sa mga sinehan ang Urduja. Recommended ko sa lahat na panoorin ang animated movie ng APT Entertainment na puring-puri ng mga nakapanood.
Maganda at positive ang reviews sa Urduja at makakatulong ito para pilahan sa takilya ang pelikula na ginastusan nang malaki ni Papa Tony Tuviera.
Dapat suportahan ng Department of Education ang Urduja dahil may kinalaman ito sa kasaysayan ng ating lahi. Kung ako ang secretary ng DepEd, ire-require ko sa lahat ng mga estudyante na panoorin ang Urduja.
* * *
Bilib ako kay Cesar Montano dahil pagkatapos niyang magpadala ng statement sa Startalk noong June 7 tungkol sa away ng kanyang kapatid at ni Sunshine Cruz, hindi na siya nagsalita.
Tama ang ginagawang pananahimik ni Cesar dahil kahit anuman ang kanyang sabihin, tiyak na bibigyan ng kahulugan ng ibang mga tao.
Less talk, less mistake. No talk, the better. In fairness, hindi rin masyadong nagsasalita ang kapatid ni Cesar na sinampahan ng kaso ni Sunshine.