Namaalam na si Rudy Fernandez matapos ang halos dalawang taong pakikipaglaban sa sakit na peri-ampullary cancer.
Inaasahan na ang pagpanaw ni Rudy na Daboy sa mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz. Inaasahan man, masakit pa rin ang pagkawala ng action star.
Ganap na 6:15 ng umaga nang tuluyang mamaalam si Daboy. Pero ayon sa report, alas-kuwatro pa lang ng umaga ay may nagri-report na sa radyo na namatay na ang aktor. Fifty six years old siya.
Sa bahay na siya inabutan dahil last Sunday ay nagpalabas na siya sa hospital at nakiusap na kung puwedeng sa bahay na nila sa White Plains siya mamahinga.
Ang kanilang den ang ginawang temporary room ni Daboy at pinakiusapan ang lahat ng mga kaibigang gustong dumalaw na gusto munang mamahinga ni Daboy at LT sa pagtanggap ng mga bisita.
Hindi pa rin natatagalan nang magpunta sila ng Amerika para subukan pa sanang isalba ang buhay ni Kuya Daboy, pero pinabalik sila ng bansa ng mga doctor sa Amerika kaya sa Cardinal Santos dinala si Kuya Daboy.
Na-confine siya ng halos isang buwan sa Cardinal Santos, pero wala namang tigil ang dalaw ng mga kaibigan. Kaya ang panahon na sana’y puwedeng ipahinga ni Daboy ay nababawasan kahit na nakalagay sa kanyang hospital room na “no visitors allowed.”
Ang kaibigan niyang si Senator Jinggoy Estrada ang unang nagkuwento ng tunay na kalagayan ni Daboy kamakailan lang. Pero hindi sa showbiz writers kaya maraming nag-react na kaibigang entertainment writers dahil kahit maraming nakakaalam ng tunay niyang kalagayan ay walang naglakas ng loob na magsulat dahil sa pagmamahal kay Daboy.
Si Sen. Jinggoy ang isa sa pinakaapektado nang magkasakit si Daboy. Bago siya pumapasok sa senado, dumadaan muna ito kay Daboy para kumustahin ang kalagayan ng kaibigan.
At sa kanilang apat nina Sen. Bong Revilla at Phillip Salvador, sina Jinggoy at Rudy ang madalas na magkasama at nag-uusap. Nung makulong si Jinggoy kasama ang dating presidente ng bansa niyang ama na si Joseph Estrada, araw-araw dumadalaw si Daboy. Ito ang nagbibigay ng lakas ng loob sa aktor/pulitiko sa araw-araw nitong buhay sa detention house nilang mag-ama.
Nagplano pa nga si Jinggoy na gagawa sila ng pelikulang apat na siya mismo ang producer, pero hindi na ito matutupad.
At nang magkaroon ng konting gap sina Sen. Jinggoy at Sen. Bong, si Daboy ang nagsilbing bridge para magkaayos ang dalawa.
At bago pala umalis papuntang Amerika sina Daboy, naisip nitong ang dami raw nilang na-invest na lupa ni LT, pero hindi nila naisipang bumili ng memorial lot kaya bago sila umalis papuntang Amerika, bumili sila ng memorial lot para sa buong pamilya sa Heritage Park at bonus daw sa package kung saka-sakaling may mangyari kay Daboy ang burial ngayon sa actor sa Heritage.
At dahil co-host si LT ng Startalk, nagbiro pa raw ang aktor na kung sakaling may mangyari sa kanya, ang Startalk ang unang makakakuha ng istorya na nangyari nga dahil Sabado ngayon at araw ng Startalk, araw din ng kanyang kamatayan.
Kahapon ng tanghali ay binibihisan na ito at guwapung-guwapo sila sa hitsura ni Daboy na naka-suit coat and tie.
Bago pa man namaalam si Daboy, nagbilin siya ng mga gusto niyang mangyari kung sakali at isa na rito’y ayaw niya ng may katabi sa kanyang burial.
Isa si Mother Lily Monteverde sa mga unang taong nakiramay kahapon at dumiretso sa Heritage Park.
Biyernes ng gabi ay ipinatawag ni LT ang mga kaibigan nila.
Huling narinig ang boses ni Daboy nang magsalita siya sa Startalk two Saturdays ago. Nagpasalamat siya sa lahat ng nagdasal at nagdarasal sa kanya.
Si LT lang supposedly ang magsasalita nung time na ’yon para sa update ng kalagayan ni Daboy, pero sabi ni Kuya Daboy gusto niyang magsalita para magpasalamat.
Kamakailan din ay nagkaroon ng healing mass ang showbiz para kay Daboy na ginanap sa Christ the King.
Dinaluhan ito ng kanyang tatlong anak, Renz Marion and Raphael Fernandez at anak niyang si Mark Anthony Fernandez (kay Alma Moreno).
Twenty five years na silang kasal ni Lorna – sa civil sila unang nagpakasal. Pero hindi agad inamin ng dalawa na nagpakasal sila hanggang madiskubre na lang sa passport na Fernandez na ang ginagamit nitong apelyido.
Si Rufa Mae Quinto ang huling naka-partner ni Daboy sa pelikula noong 2002 – Huli Mo Huli Ko habang sa Atlantika ni Dingdong Dantes huling napanood si Daboy sa TV.
Kasama sa kanyang mga pelikulang ginawa ang Makahiya at Talahib, Bilangguang Walang Rehas, Tatak Angustia, Sa Init ng Apoy, Pepeng Shotgun, Somewhere, Pasukuin Si Waway, Anak ng Tondo, Bilang Na ang Oras Mo, Baun Gang,Tatak Munti, Tatak ng Yakuza,Ulo ng Gapo, Get My Son Dead Or Alive, Sumuko Ka Na Ronquillo, Kunin Mo ang Ulo Ni Magtanggol, Idol, Wag na Wag Kang Lalayo, Birador, Ping Lacson Story Bingbong The Vincent Crisologo Story, Kamay ni Kain, Markang Bungo: The Bobby Ortega Story, Kung Kailangan Mo Ako, Lagalag: The Eddie Fernandez Story, Matimbang Pa Sa Dugo, Markang Bungo 2: Iligpit Si Bobby Ortega, Lumuhod Ka Sa Lupa!, Vigilante, Victor Corpuz, Tubusin ng Dugo, Ipaglalaban Ko, Sandakot na Bala, Ayaw Matulog ng Gabi, Kuratong Baleleng, Itataya Ko Ang Buhay Mo.
Pero ang pelikulang Bitayin si Baby Ama ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon para kilalanin siyang magaling na action star.