AiAi at Allan may kapalit na sa trono

Nakaabang na ang marami sa kauna-unahang pagsasama sa concert ng mga komedyanteng sina Pokwang at Pooh na magaganap sa Music Museum sa lahat ng Biyernes at Sabado, 8 ng gabi, mula sa direksyon ni Andrew de Real.

“Pinagaganda namin ang show para masulit ang ibabayad ng mga manonood, medyo kasi may kamahalan ang tiket para sa show, mga P2,000,” pauna na ni Pokwang  na para lamang magawa niya ang show ay may mga tinanggihang shows sa abroad.

“Kasama sana ako sa Cover Boys concert sa abroad pero tumanggi na ako, nakakahiya na dahil ’di matuluy-tuloy ang concert dahil kung hindi ako ay si Pooh ang wala. Para matuloy na, ako na ang nag-give way,” dagdag pa ni Pokwang.

Sinabi ni Andrew de Real na bawat palabas ng dalawa ay magkakaro’n sila ng mga panauhing may malalaking pangalan.

Ang concert na pinamagatang Poohkwang at handog ng ASAP Live ay naglayong palakihin ang pangalan ng dalawang stars nito at iagapay sa Kapamilya nilang si Ai Ai delas Alas at ang Kapusong si Allan K.

“Hindi naman, marami pa kaming dapat patunayan para maabot ang kinalalagyan nila ngayon pero inaamin ko, idol ko talaga si Kuya Allan,” nahihiyang sabi ni Pooh.

* * *

Ang bansang Italya ang tinanghal na kampeon sa katatapos na 2008 World Pyro Olympics. Pinahanga nila ang maraming sumaksi sa paggamit nila ng Italian shells na nakalutang sa Manila Bay at biglang sumasabog at nagiging golden showers.

Pinakahuling classical pyrotechnics format na ’yon ng World Pyro Olympics III. Balak ng mga organizers na ipakilala ang pyro-musical format sa susunod na World Pyro Olympics. At dito magaling ang Team Philippines, represented by event organizer La Mancha Pyro Productions.

* * *

Muling makikitang magkasama ang dating magka-partner na sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa sa isang special episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK).

Nauna nang pareha na nag-taping para sa nangungunang drama anthology sina Jomari Yllana at Ara Mina.

Hango sa mga totoong istorya ang mga binibigyang buhay sa MMK at kung hindi ipinadala ng kanilang mga kaanak ay mula naman sa mga kaibigan nila.

Mapapanood ang MMK tuwing Biyernes ng gabi sa ABS-CBN.

* * *

Isang kakaibang concert naman ang napanood ko noong Martes ng gabi sa Teatrino Greenhills. Pinamagatang Where Da Truth Lies, isa itong socio -political satire na nagbigay ng ibayong kasiyahan sa maraming nanood dahil naka-relate sila dahil pawang mga kasalukuyang pangyayari ang tinalakay sa pamamagitan ng musika—corruption, rice crisis, church interference in politics, oil price increase—nina G, Eric Cruz, Dyords Javier, Nolyn at Lisa Cabahug, sa direksyon ni Leo Rialp.

Lahat ng kinita sa concert ay ibibigay sa Differently-Abled.

* * *

E-mail:   veronicasamio@yahoo.com

Show comments