Naaawa sa isang personalidad na sikat sa kanyang larangan ang kanyang mga kaibigan. Ibang klase raw kasing magmahal ang babaeng ito, lahat-lahat ay ibinibigay niya sa lalaki, kung ilarawan nga siya ng mga taong nakakakilala nang lubos sa kanya ay mas masahol pa siyang magmahal kesa sa bading.
“All mine to give talaga siya. Masaya siya sa ganung paraan of showing her love. Tuloy, masyadong nai-spoil ang lalake sa kanya,” simulang komento ng isa naming source.
Marami nang pangalan ng mga sikat na aktor ang naugnay sa matagumpay na babae sa kanyang larangan, ganundin ang takbo ng kuwento, para siyang ATM card na isinu-swipe lang ng mga ito pagdating sa kanilang mga luho.
Pero balewala lang yun sa babaeng personalidad, para lang kasi siyang namumulot ng pera araw-araw, malakas ang kanyang negosyo kaya ang mga inireregalo niya sa mga lalaking nagmamahal (daw) sa kanya ay hindi makababawas sa kaban ng kanyang yaman.
Tulad ng huli niyang pag-ibig, dahil sa sobrang pang-i-spoil ng babae ay masyado na itong relax sa kanyang mga pinaggagagawa. Meron lang mga nagtatakip, pero totoong nakakatikiman ngayon ng lalaking ito ang isang sexy star.
Nagkikita sila sa isang condo unit sa isang siyudad na makikita sa gitna ng Makati at Quezon City, dun sila nagpapalipas ng init ng kanilang mga katawan, lalo na kapag wala sa bansa ang babaeng personalidad.
Nakarating na ang kuwento sa babae, pero in denial siya, hindi raw yun magagawa sa kanya ng lalaki dahil wala na itong hahanapin pa sa kanya.
Dun na nagkomento ang kanyang mga kaibigan, nakakaawa raw naman ang babaeng personalidad, dahil pinaniniwala niya ang kanyang sarili na sa kanya lang nakasentro ang puso at atensiyon ng kanyang boyfriend.
“Yun ang pinakamahirap, kapag in denial ka, pero alam mo naman sa sarili mo na kayang gawin yun ng guy. Useless din siyang sabihan dahil hindi ka naman niya paniniwalaan.
“Pero one day, kapag nalaman na niyang totoo pala ang lahat ng mga kuwento, siya na mismo ang maggu-goodbye sa guy. Kilala namin siya, mainit lang siya ngayon, pero bukas, kayang-kaya niyang hiwalayan ang guy,” pabuntong-hiningang sabi pa ng aming kausap.
Kahit pa magmakaawa ang lalaki sa kanya? Kahit pa lumuhod ito nang walang belo sa harapan ng babaeng personalidad?
“Oo naman, I’ve seen all of them,” sabi pa ng aming impormante na ang tinutukoy ay ang mga lalaking naging karelasyon ng popular na babaeng personalidad.
* * *
Kumpirmado nang darating sa Winnipeg, Manitoba, Canada ang tropa ng Wowowillie sa September 28. Gaganapin ang show sa MTS Centre, ang pinakamalaking venue sa nasabing lugar na pinagtatanghalan nina Josh Groban, Mariah Carey, Celine Dion, Tom Jones, Elton John at marami pang ibang sikat na international performers.
Masuwerte si Maribel Aunor dahil sa dinami-dami ng kumukuha sa grupo para magtanghal sa Canada ay siya ang nakakuha ng karapatang gawin sa Winnipeg ang sikat na programa sa buong mundo basta may Pilipino.
Pumirma na ng kontrata sa kanya si Willie Revillame, nagbigay na ng downpayment ang prodyuser na pamilyar sa atin, dahil miyembro siya ng dating Apat Na Sikat na kinabibilangan din noon nina Winnie Santos, Dondon Nakar at Arnold Gamboa.
Kung masuwerte siya sa pagkakakuha sa grupo ay mas magiging masuwerte ang grupo ng Wowowillie na makatrabaho ang isang propesyonal na promoter-producer na tulad ni Lala.
Napakapropesyonal niya, lahat ng aspeto ay tinitingnan niyang mabuti kung nasusunod ba o hindi, siya ang nakilala naming promoter na hindi umaasa sa ticket sales ng mga shows na siya ang nagdadala.
Meron siyang puhunan, hindi siya nakadepende sa benta ng tickets, hinding-hindi mangyayari sa ilalim ng kanyang produksiyon ang madalas katakutan ng mga singers at artista na bigla na lang paglalaho ng kanilang prodyuser kapag oras na ng bayaran ng balanse.
Yun si Lala Aunor.