Asian heartthrobs magpapakilig tuwing hapon

Mas lalo pang magiging kapana-panabik ang  inyong linggo sa pagdating ng dalawang tinitilian at kinakikiligang Asian heartthrobs, sa dalawang panibagong telenovelang inyong dapat pakaabangan.

Muling paiinitin ng Taiwanese sensation na si Wu Chun ang inyong mga hapon dahil matapos ang kanyang pagganap bilang Bryan sa hit romantic comedy na Hana Kimi, muli kayong mabibighani sa kanya bilang Jin Nan Feng sa seryeng Romantic Princess.

Sundan ang kuwento ng ordinaryong teenager na si Janna Mae (Angela Zhang) na magbabago ang buhay matapos malamang tagapagmana pala siya ng tinaguriang “richest man in Asia.”

Sa kanyang pagtira sa panibago niyang mansyon, makikilala niya ang apat na kalalakihang maari ring maging sunod na tagapagmana ng negosyo ng pamilya— isa na rito ang hindi makasundong si Jin (Chun).

Iikot lalo ang kanilang mga kapalaran nang pilitin ng lolo ni Janna na pakasalan niya si Jin na nangangahulugang matatali na ang binata sa pamamalakad ng Huang Fu faily business.

Paano na lang ang tunay na pangarap ni Jin? Mahulog naman kaya siya kay Janna?

Samantala, hindi rin pahuhuli ang kasing guwapo ni Wu at certified Japanese heartthrob na si Takizawa Hideaki sa pagsisimula ng nakakakilig na at napaka-sweet na Strawberry on the Shortcake.

Isang kakaibang love story ang tiyak na matutunghayan sa pagitan ng geek na si Manato Irie (Takizawa) at weirdo na si Yui Misawa (Fukada Kyoko) na sa kabila ng walang humpay na pag-aasaran ay mauuwi pa rin sa namumuong pagmamahalan.

Malaking problema nga lang kay Manato ang pagiging manhid ni Yui kaya naman hirap magtapat ang binata rito.

Saan kaya hahantong ang kakaibang pag-iibigang ito?

Alamin na ang kasagutan sa Strawberry on the Shortcake, tuwing Sabado simula May 31, bago ang Pilipinas Game KNB? Sa ABS-CBN. Tunghayan naman ang Romantic Princess, weekdays simula June 2, pagkatapos ng El Cuerpo.

Show comments