Kung hindi n’yo pa napapanood ang Golden Divas concert ng mga balikbayang sina Carmen Pateña at Carmen Soriano kasama si Pilita Corrales, ngayon na ang huling pagkakataon n’yo. May repeat ang kanilang Golden Divas na unang ipinalabas sa Music Museum pero ngayon ay inilipat sa isang mas malaking lugar, sa SMX ng SM Mall of Asia. Hinihimok ko kayong manood at siguradong masisiyahan kayo. Nadagdagan lamang ang edad ng tatlo pero hindi nagbago ang kanilang galing mag-perform.
Dinig ko, ang bilis din ng pagkaubos ng tiket. ’Di tulad sa pelikula na tumatanda ang mga artista at nalalaos, sa musika habang tumatanda ang isang singer ay lalo itong gumagaling. Katunayan, hindi tayo na-disappoint nang dumating dito para mag-concert ang mga may edad nang sina Andy Williams, Frank Sinatra at ang pinakahuling nag-concert dito na si Neil Sedaka. Kahit sabihin pang ’di na umaalis sa kanyang kinatatayuan sina Frank at Andy, ang mahalaga they were able to deliver. Narinig natin ang mga kanta nila nang walang pagbabago, na animo’y mga bata pa rin ang kumakanta hindi boses matanda.
Ganoon din sina Pilita at ang dalawang Carmen na hindi lamang ang mga boses ang na-maintain nila kundi maging ang kanilang physical looks. Medyo nadagdagan lang ng timbang ang tatlo pero may korte pa rin sila, carry pa ring mag-side slit.
Na-remember ko nang mag-concert din sina Rico Puno, Hajji Alejandro, Marco Sison, Nonoy Zuñiga at Rey Valera, ’di lamang nagkaroon ng ilang repeats, nakapag-tour din sila abroad. I’m sure itong kina Pilita, dadalhin din sa abroad. Narinig ko, pagbabalik din ni Imelda Papin, magku-concert din sila nina Claire dela Fuente at Eva Eugenio.
Maski ang prinodyus kong comeback concert ni Eddie Mesa, pinanood din.
* * *
Bagama’t marami akong naririnig na negative comments and reactions sa pagbabago ng araw ng musical show na Songbird, kaisa ako sa pasyang ito ng GMA 7 dahil mas marami nga namang makakapanood nito sa araw ng Sabado kesa sa iniwan nitong araw ng Huwebes.
Okay din sa akin yung pagiging formal ng show although nung una ay nag-isip din ako kung di ba magsasawa ang mga manonood na makita siya ng dalawang araw sa TV nang naka-pormal. Sabi ko dapat sa isang show ay naka-masa siya pero dahil nasanay na ang mga tagasubaybay ng SOP na makita siyang nakadamit ng pormal, siguro sa Songbird na lamang siya magbago ng image. Say mo Regine?
* * *
Sa Walang Tulugan din nagko-compromise na kami because sa abroad, hindi ito napapanood ng gabing-gabi.
At minsan, more than once ito ipinalalabas. Kaya kung minsan naka-casual lang ako, kung minsan naman naka-pormal, although yung pagka-casual ng mga guests namin ay appreciated ng mga Pinoy viewers.
Hindi naman sa pagmamalaki pero sa GMA Pinoy TV, isa sa pangunahing palabas ang Walang Tulugan. Yes po, pinanonood ang aming show na madalas makalipas na ang alas dose ng gabi kung ipalabas dito sa atin. Kaya nga kahit madalas ay gumagastos ako ng sarili kong pera, talagang pinagaganda ko ang aking set. Personal akong sumasama sa aking stage designer para humanap ng mga pwedeng ipangdekorasyon sa aking stage. So far win kami marami ang nagagandahan sa aming set.
Salamat nga pala sa mga matitiyagang manood ng show at sa mga artistang nakikipagpuyatan sa amin kahit wala kaming honorarium.
* * *
True nga pala na naging mabait kay Gabby Concepcion ang panahon. Parang di siya tumanda at sa halip ay gumwapo pa kahit nadagdagan ng edad. Ang guwapo niya sa mga posters and billboard ng bago niyang endorsement. Sana lamang ay maayos na niya ang mga problema niya para magtuluy-tuloy na ang career niya.