Night vision google gagamitin sa mga pirata
Ginagamit na rin ngayon sa madidilim na looban ng mga sinehan ang night vision equipment para mahuli ang mga pirata na nangongopya ng pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan.
Ang ganitong instrumento ay karaniwang ginagamit ng militar kapag meron silang operasyon sa gabi.
Ayon kay Ric Camaligan, pangulo ng Motion Picture Anti-Film Piracy Council Inc., isang grupo ng malalaking film producer at mall theater owner, ilan nilang miyembro ang bumili na ng night-vision equipment para mahuli ang mga pirata na kumokopya sa pelikulang ipinalalabas sa sinehan.
“Pinakilos namin ang aming security personnel at kagamitan. Bumili na rin kami ng night-vision equipment para masugpo ang cam-cording sa loob ng mga sinehan,” sabi pa ni Camaligan.
Ginawa anya ang hakbang dahil sa report ng Optical Media Board na ilan sa mga pirated na pelikula ay kinunan sa loob ng sine.
Sinabi pa niya na ang mga pagbabagong ginagawa ng mga may-ari ng mga sinehan ay maaaring makapagpahikayat sa mga tao na magtungo sa sinehan sa halip na bumili ng pirated na CD o DVD.
Binanggit ni Camaligan na sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ng nakaraang taon, hindi umabot sa bilang na apat na milyon para sa 10 lokal na pelikula ang nabiling tiket. “At nasaan ang anim na milyong tao? Hinihintay nila ang pirated copies ng mga pelikula,” sambit niya.
- Latest