Nagpadala ng update sa amin ang United Shelter Health Product (makers of Vaniderm and Lucida-DS Glutathione) informing na sa darating na Lunes ay nakatakda na nilang sampahan ng kasong libelo at damages ang broadcast journalist na si Korina Sanchez.
Sa Polomoloc, Cotabato raw unang isasampa ang kaso at susunod na rin sa iba pang lugar tulad ng Iloilo, General Santos, Cagayan de Oro, Cebu, Iligan, Koronadal, Zamboanga.
Matatandaang nag-ugat ang pagbabanta ng demanda ng nasabing kumpanya against Korina nang i-report ng broadcast journalist na diumano’y kulang sa glutathione content ang mga white products nitong Vaniderm at Lucida-DS base sa resultang isinagawa ng PIPAC.
Kaagad namang itinanggi ito ng United Shelter Health Product Senior Vice President Maribel Galindez sa kanyang mga panayam at naglabas din ang kumpanya ng official statement na naglabasan sa iba’t-ibang diyaryo stating na hindi peke ang kanilang produkto.
Pero naglabas din ng official statement ang ABS-CBN stating na pinaninindigan nila ang report ni Korina hinggil sa mga nasabing produkto and in fact, last Tuesday ay naglabas ang TV Patrol World ng panibagong testigo na si Dr. Hersh na nagpapatunay na talagang kulang sa glutathione content ang Lucida-DS base sa test ng isang US laboratory.
May sagot naman ang Lucida sa akusasyong ito ng nasabing doktor.
“Dr. Hersh is sour-graping. We refused to market his gluta chewables because it causes tongue-blisters. That product is now marketed by Natasha Networking pero hindi bumebenta kaya sumasakay sila sa issue,” pahayag ni Ms. Galindez.
Nabanggit din sa TV Patrol World na ilang beses daw nilang binigyan ng pagkakataon ang Lucida-DS management para maiere ang kanilang panig at magbigay ng official statement pero hindi raw sumipot ang mga ito sa nakatakdang paghaharap nila.
Ayon naman kay Galindez ay willing siyang humarap anytime pero ang gusto nila ay live interview upon the advice na rin ng kanilang legal counsel.
“Willing akong makipag-usap sa kanya nang face to face at ipaliwanag sa kanya na hindi peke ang produkto namin at para madagdagan ang kaalaman niya sa glutathione,” pahayag pa ni Galindez. (Vinia Vivar)