Ang daming tagapakinig ko sa aking radio program ang biglang nagtawagan nang hindi nila ako napakinggan sa aking dating afternoon slot na 1-2. Bigla kasi ang pagkakalipat ko sa 2:30-3:30 p.m. slot at hindi pa ako sigurado sa oras na ito, baka mailipat pa rin ako sa gabi.
Ayon sa namumuno sa radyo ng GMA ay order daw mula sa mga nakakataas ang nagaganap na reshuffle. Kinausap ko kasi siya nang marinig ko na baka mapunta ako sa gabi eh marami naman akong lakad sa gabi. At saka marami na akong followers sa araw. Maninibago naman sila kapag nabago ang aking oras. Malas kapag hindi nila ako nasundan dahil malakas na kalaban ang TV, maraming programa ang pinanonood sa gabi kesa sa araw. Sana naman kung malilipat ako, tama na rito sa kasalukuyan kong time slot.
* * *
Nasa mga huling linggo na ang Kaputol ng Isang Awit kaya pa-morning-an na ang taping. Gaya nung isang gabi, nagsimula kami ng alas sais ng gabi at natapos kami ng alas siete ng umaga.
Gano’n pala kung wala kang tulog, mahirap mag-taping, ’di ka lang nawawalan ng sigla, nauutal ka pa. Akala ko nga ako lang ang nakakaramdan ng gano’n, dahil sa edad ko eh. Gano’n din ang nakakabata sa aking si Shalala na antok na antok din, para raw siyang nakalutang at parang walang laman ang ulo.
Pero maganda ang aming taping. Ikalulugod ng mga nanonood nito ang takbo ng istorya. Dito natuklasan ang potensyal sa pag-arte nina Glaiza de Castro at Marky Cielo. Magaling din palang kontrabida si Lovi Poe. Inis nga sa kanya ang mga bruha kong sekretarya. Well, sina Snooky, Pip (Tirso Cruz III) at maging si Goryo ay dati nang magagaling.
* * *
Marami ang nagri-react sa sinabi ni Dingdong Dantes na kahit magka-award ay hindi siya tatanggap ng gay role.
Katwiran nila, dapat daw bilang aktor ay handa siya sa lahat ng klase ng mga roles.
Baka raw hindi lang niya kayang gampananan ang ganitong role kaya ayaw niya.
Well, hari siya ng kanyang sarili. Tinanggap siya ng mga tao sa mga klase ng roles na ginagampanan niya, iyon ang kanyang image at ’yon ang stand niya, huwag na tayong kumontra.
Iba siya at iba rin naman si Dennis Trillo.
* * *
Binigyan ko ng surprise birthday party si Mama Nene Vera Perez kamakailan. Ginawa ko ito sa Teatrino Greenhills na kung saan ay nagpalabas ako ng video clips ng mga nagawa nilang malalaking movies noon gaya ng The Big Broadcast. Tawa nang tawa ang lahat dahil nakita nila kung ano ang mga hitsura nila nung kabataan nila. May ginawa rin akong parang biography ni Mama Nene at natuwa naman ako dahil nakita ko kung paano niya na-appreciate ito, maging ng kanyang mga anak na sina Manay Ichu, Chona at Kokoy, wala sina Lilibeth at Manay Gina dahil nasa abroad.
Tuwang-tuwa ang mga guests na sina Gloria Romero, Susan Roces, Barbara Perez, Eddie Gutierrez, Pepito Rodriguez, Amparo Lucas, Lucita Soriano, atbp.
Nagkaro’n din ng maikling musical program. Sumayaw ang Teen Stars sa saliw ng Maalaala Mo Kaya. Kumanta naman sina Mico Aytona, Wing Duo, Enrique Marcos, Dulce, Angelos at si John Nite.
Pagkatapos ng programa ay tuwang-tuwang tumayo si Mama Nene at pinalakpakan ang lahat ng nag-perform.
Si Mama Nene ay 91 years old na.