TOKYO, JAPAN — Tatlong taon na ang nakakaraan nang unang makarating ng Tokyo, Japan ang aktres na si Juliana Palermo. Una siyang nakarating nang mag-perform siya (along with Jenny Miller) sa Independence Day celebration ng Philippine Embassy sa Tokyo nung 2005.
Nung Mayo 9 (Biyernes) ay muling dumating ng Tokyo si Juliana para naman sa isang investigative documentary, Buhay Japan, para sa Japan Pinoy TV.
Isang linggo dapat mananatili si Juliana sa Japan pero kinailangan niyang makabalik agad ng Pilipinas noong May 15 dahil ayaw niyang ma-miss ang ika-21st birthday ng kanyang nakababatang kapatid na may kapansanan sa pag-iisip nang sumunod na araw, Mayo 16.
* * *
Malaking balita pa rin sa Japan among the Filipino communities ang Filipina chop-chop victim na si Honiefaith Ratilla Kamiosawa na pangalawang biktima na ng Japanese suspect na si Hiroshi Nozaki. Ang unang biktima ay isa ring Filipina pero tatlong taon lamang nakulong si Nozaki.
Nakakulong ngayon ang Japanese killer pero hindi pa nabibigyan ng tamang hustisya ang magkasunod na pagkamatay ng dalawang Filipina victims.
Kung marami sa ating mga kababayan sa ibang bansa lalung-lalo na sa Middle East ang may mga problema sa kanilang mga employers, marami rin sa ating mga kababayan dito sa Japan ang may mga problema at marami sa mga ito ay battered wives ng mga asawa nilang Hapon. May isa ring Pinoy na nagpakamatay sa halip na magpakulong dahil sa kanyang pagiging TNT. Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap ang dalawa sa mga battered wives na parehong hiwalay na sa kanilang asawang Hapon.
Si Meraline B. Shibahara (34) ay nagtungo sa Japan bilang isang entertainer nung 1995 na gamit ang isang fake passport. Mukha niya ang nasa litrato pero lahat ng mga dokumento ay sa ibang tao na kanyang binayaran.
Dalawang beses nakabalik ng Japan si Lyn (palayaw niya) na gamit ang isang pekeng pasaporte. On the same year, nakilala niya ang kanyang napangasawang Hapon.
Sa Pilipinas ay may iniwang anak na lalaki si Lyn sa dati niyang nobyo. Nang ikasal si Lyn sa Hapon na isang computer engineer, napapayag niya ang kanyang mister na i-adopt ang kanyang 10-year-old son then na si Lord Cedrine kaya naging Shibahara na rin ang apelyido ng kanyang anak.
Ang kahirapan ng pamilya ni Lyn ang nagbunsod sa kanya na maging isang entertainer sa Japan. Panganay siya sa tatlong magkakapatid at bata pa siya nang sila’y iwan ng kanilang ama para sa ikatlong pamilya nito.
Nang siya’y mag-asawa, huminto na si Lyn sa pagiging isang entertainer pero nagkaproblema naman siya kung saan niya kukunin ang perang ipapadala sa kanyang ina’t dalawang kapatid.
Dahil wala siyang trabaho, umaasa lamang siya sa kanyang mister. Nagkataon naman na kapisan din nila ang mga magulang at kapatid ng kanyang mister kaya napapadalas ang kanilang pag-aaway. Taong 2006 nang tuluyang magkahiwalay sina Lyn at ang kanyang mister. Pinalayas silang mag-ina.
Dahil walang pera at wala rin siyang ibang alam na trabaho, napilitan si Lyn na bumalik sa kanyang dating trabaho bilang isang entertainer hanggang sa magdesisyon siyang mag-enrol sa TCA (Tokyo Caregiver Academy) para sa isang three-month training at pagkatapos ng kanyang training ay agad siyang nakapasok bilang isang caregiver sa isang Rogin home or care home. Sa awa ng Diyos, nakatira sila ngayon sa isang disenteng tirahan at nag-aaral sa high school (3rd year) ang kanyang anak. Nakakapagpadala rin siya ng financial help sa kanyang ina at mga kapatid.
“Walang stability ang pagiging isang entertainer kaya naghanap ako ng isang alternatibong pagkakakitaan at ang pagiging isang caregiver ang naisipan kong trabaho,” aniya.
Ang isang battered wife na aming nakausap ay grabe rin ang pinagdaanan sa Japan.
Siya ay si Cynthia, isang college graduate. Pagkatapos niya ng college, naging trainee siya sa isang kumpanya sa Pilipinas kung saan niya unang naranasan ang sexual harassment mula sa isa niyang kasamahan sa trabaho.
Sa isa nilang performance sa Maynila ay nakita sila ng isang Japanese promoter at kinumbinse ang kanilang manager na dalhin sila sa Japan para magtanghal sa isa sa mga hotels dito. Iyon ang naging simula ng pagiging talento sa Japan ni Cynthia.
Pagkalipas ng tatlong taon, nakapagtayo si Cynthia ng isang talent agency at dito na niya nakilala ang kanyang Japanese husband na mas bata sa kanya ng dalawang taon.
Pagkaraan ng mahigit dalawang taon nilang pagsasama, dito nagsimula ang kalbaryo ni Cynthia. Naging seloso ang kanyang mister lalo na kapag siya’y nakikipag-usap sa mga Japanese promoters. Nariyang pagbintangan siyang nangangaliwa at nagsimula na rin siyang saktan nito.
Isang beses, nagkasagutan sila sa loob ng sasakyan at siya’y sinuntok sa noo. Pumutok ito at nagkaroon siya ng scar. One time, pinalo siya ng plastic baseball bat ng kanyang mister. Pero sa kabila ng verbal at physical abuse na ginagawa sa kanya ng kanyang mister, patuloy itong tiniis ni Cynthia.
“He was having fun cheating on me dahil nga pregnant ako. Dumating siya sa bahay habang naghahanda ako ng hapunan. Minamadali niya ako at gutom na raw siya. So ’yong sabaw na kaluluto ko pa lang ay hinigop kaagad niya. Napaso ang dila niya. Sa galit, ibinalibag niya ang mesa at pagkatapos ay sinipa niya ako sa legs,” salaysay ni Cynthia.
Ipinagbubuntis ni Cynthia ang kanilang pangalawang anak at kabuwanan na niya nang siya’y sipain ng kanyang mister at siya’y tumilapon. Nang dahil sa nangyari, napaaga ang kanyang panganganak. Hinintay lamang ni Cynthia na mairaos niya ang kanyang panganganak at nang siya’y makauwi sa kanilang bahay ay nilayasan niya ang kanyang asawa bitbit ang dalawa niyang anak.
Ngayon ay nagtatrabaho si Cynthia sa isang TV production outfit sa Japan bilang in charge sa marketing at mag-isa niyang binubuhay ang kanyang dalawang anak.
* * *
Last Monday, May 12 ay nagkasama kami ng singer-actress na si Jobelle Salvador kasama ang kanyang seven-year-old daughter na si Julina. Sa may Roppongi area nakatira ang mag-inang Jobelle at Julina na walking distance lamang sa Philippine Embassy-Tokyo.
Sa Japan na rin naka-base si Jobelle although papunta-punta rin siya ng Las Vegas, Nevada kung saan siya’y may bahay doon. Naroon din ang kanyang panganay na anak na si Mico (sa journalist na si Erik Espina) at ang kanyang ina. Doon na rin nakabase ang iba niyang mga kapatid. Kapag may offer, willing pa rin si Jobelle na ipagpatuloy ang kanyang showbiz career sa Pilipinas.
Puwede naman daw siyang magpabalik-balik ng Japan at Pilipinas kung kinakailangan. After all, showbiz ang kanyang kinagisnan at ibinuhay sa kanila ng kanyang yumaong ama, ang actor-director-producer na si Leroy Salvador, Jr. Tiyuhin niya sina Phillip Salvador at Ramon Salvador at pinsan naman niya si Maja Salvador.
Cute at smart ang bunsong anak ni Jobelle na si Julina na anak niya sa kanyang ex-boyfriend na Japanese businessman. Although hiwalay na si Jobelle sa ama ng kanyang anak, hindi naman ito nagpapabaya ng kanyang obligasyon sa kanilang anak. Provided din ang mag-ina ng condo at sasakyan.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net