Isang impormante ang nagkuwento sa amin na noon palang mga panahong magkarelasyon pa ang isang batang aktor at ang isang batang aktres ay biglang nagbago ang ugali ng babae.
Takang-taka raw ang kanyang pamilya kung anong ispiritu ang lumukob sa kanya dahil biglang bumaligtad ang pagkakilala ng kanyang pamilya sa kanya, tumigas nang sobra ang kanyang ulo, samantalang lumaki naman siya nang maayos at marespeto.
“Sobra ang naging impluwensiya sa kanya ng boyfriend niya, parang do’n na lang nakasentro ang buhay niya, parang wala na siyang panahon at respeto sa ibang tao labas sa karelasyon niya,” tip ng aming impormante.
Inanalisa rin nito ang nagiging takbo ng buhay ng mga nagiging girlfriend ng batang aktor, inisa-isa nito ang mga nakaraan nitong karelasyon, at totoo nga naman na parang kinalilimutan na ng babae ang kanyang pamilya kapag maganda pa ang kanilang relasyon.
“Nung sila pa ni _____(pangalan ng unang nakarelasyon ng young actor), ’di ba inirereklamo rin siya ng daddy nung babae? Tumatakas yung girl para lang makipagkita sa kanya, dahil ayaw nga ng daddy niya dun sa guy, natutong magsinungaling ang girl sa family niya!
“Nung maging sila naman ni _____(pangalan ng isang sumpunging batang aktres na nakarelasyon din ng batang aktor), hindi ba parang lumayo nang husto ang loob nung girl sa family niya?
“Naging malaking issue yun, iyak nang iyak yung mommy ng girl, bakit daw parang dinidiyos na ng anak niya ang young actor? Gano’n ang nangyayari kapag maayos pa ang relasyon nila ng girl, bumubuo sila ng sariling mundo, sa kanya lang nakatuon ang attention ng girl,” pagbabalik-alaala ng aming source.
Ganoon din mismo ang nangyari sa pinakahuli nitong naging karelasyon, halos kalimutan na ng babae ang kanyang pamilya, lumaban pa nga siya at ipinaglaban niya nang husto ang boyfriend niya.
“Naging emotional ang pagbabalik-loob niya sa family niya. Sino ba namang magulang ang nakatiis sa kanyang anak, natural lang na nung mag-break sila nung guy, ang family niya ang unang-unang sumuporta sa kanya.
“Nung mag-sorry ang girl sa parents niya, isa lang ang sinabi sa kanya ng daddy niya, ‘I told you, this is your comfort zone.’ Wala nang sumbatan, walang kahit ano, kaya iyak nang iyak si ____(pangalan ng young actress na nadurog ang puso sa paghihiwalay nila ng kanyang boyfriend) nung i-comfort siya ng daddy niya,” dagdag pa ng aming source.
Wala raw third party sa kanilang paghihiwalay, sabi ng malalapit sa kanila, pero iba naman ang sinabi ng aming impormante. Meron. Meron na meron.
“Sa part ng guy ’yon, hindi sa girl,” madiin pang sabi nito.
* * *
Mukhang nadagdagan na naman ang hindi kaunawaan ngayon ng kampo ni Gabby Concepcion dahil sa ipinadalang text messages ni Daddy Rollie sa news anchor na si Anthony Taberna.
Ang editorial ng magaling na news anchor ng Umagang Kay Ganda (UKG) ang naging ugat ng mensahe ni Daddy Rollie, pagkatapos mag-phone patch interview sa kanyang segment na Punto Por Punto sina Jobert Sucaldito at Attorney Eduardo Flaminiano ay nagbitiw ng personal niyang pananaw sa isyu si Anthony, na hindi nagustuhan ng ama ng aktor.
May kopya kami nang napakahabang mensahe ni Daddy Rollie kay kaibigang Tunying, kumakagat iyon at nanghuhusga, ayon kay Daddy Rollie ay wala raw namang kinalaman sa demandahan nina Jobert at Mommy Rose Flaminiano si Gabby pero bakit ang aktor ang pinuruhan ni Anthony sa kanyang editorial sa UKG?
Sabi ng bahagi ng mahabang mensahe ng daddy ni Gabby: “Mr. Anthony, in any dispute, one party can NOT BE 100% right and the other party 100% wrong. I don’t intend to lecture you on unbiased and fair and balanced reporting.
“Your denigrating, maligning and judging Gabby on the air was totally irresponsible, grossly unfair, libelous and cruel.”
Kung ang lahat ng opinyong binibitiwan ng mga mamamahayag ay masyadong iintindihin ng ama ni Gabby ay madadagdagan nang madadagdagan ang mga taong madidismaya sa kanya.
Sana’y maunawaan ng mga taong nakapalibot ngayon sa aktor na anumang gawin nila ngayon, positibo man o negatibo, ay siguradong kay Gabby bubukol.
Kailangan din nilang intindihin na hindi kanila ang malayang opinyon ng mga mamamahayag, kung merong sumasang-ayon sa mga ginagawa nila ay hindi maiaalis na meron ding hindi sang-ayon, iyon ang katotohanan ng buhay na kailangang maging malinaw sa kanila.