Nagkaayos na pala ang GMA Films at si Gabby Concepcion at tuloy na ang pelikula ng aktor sa nasabing film company. Ayon sa OIC ng GMA Films na si Noel Ferrer, si Joey Reyes ang napiling magdirek ng wala pang title na pelikula na kung saan, si Iza Calzado ang magiging leading lady ng comebacking actor.
Hindi nga lang agad masisimulan ang pelikula, dahil tatapusin muna ni direk Joey ang Single: Civil Status ng Viva Films na bida si Rufa Mae Quinto. In fairness, nauna itong commitment ng director at naalala naming last year pa binanggit ito ng sexy comedienne.
Ang gusto naming alamin ngayon ay kung co-producer pa rin sina Jolina Magdangal ng movie ni Gabby, dahil sa ITALY, co-producer ang mga Magdangal ng pelikula. Eh, same contract yata ang sinunod.
* * *
Annulled na ang kasal nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher at sa isang kaibigan ng actress namin nalaman ang tungkol dito.
Nag-text sa friend niya si Lotlot last Friday with a happy message that says: “I’m officially single,” at ’di na nag-elaborate. Two years ding dininig ang annulment case ng dalawa.
Nakita namin si Lotlot sa presscon/launching ng Dyesebel, pero ’di namin siya nakausap sa rami ng artista that night. Hindi kaya ng powers naming interbyuhin silang lahat, kaya tiningnan na lang muna namin siya at nakitang malusog na naman siya.
Ipinarating iyon ng friend namin kay Lotlot na nag-promise na magda-diet.
Ang nangyari pala’y, luto nang luto ito nang nasa kanya ang mga anak, kaya tumaba, pero papayat na agad dahil mahirap ang taping ng Dyesebel, kung saan, ginagampanan niya ang role ni Banak, ina-inahan ni Dyesebel sa ilalim ng dagat.
* * *
Kumpleto ang apat na endorsers ng Pantene sa presscon/launching noong Lunes sa poolside ng Intercontinental Hotel. Masaya ang presscon at kahit puro big stars sina Claudine Barretto, Ruffa Gutierrez, Gretchen Barretto, at Judy Ann Santos (tama ba ang billing namin?), walang nagpaistaran sa kanila at nakita pang nag-uusap at nagtatawanan sina Judy Ann at Claudine backstage, habang pinapanood ang presentation at TVC nilang apat.
Ang reklamo lang ng press, very late nasimulan ang presscon at paglabas pa ng apat, hinarang ng camera at cameramen, kaya walang nakita. Para hindi na lang maimbyerna o naimbyerna na nga yata, umuwi na lang ang ibang press. Tapos, parang talk show pa ang lumabas sa haba ng tsikahan ng host ng show at opisyal ng Pantene.
Ang hindi namin alam, after umalis ang ilang members ng print media, sumunod ang mga TV reporters at crew at talagang nag-walkout sila at nakunan ito ng camera. Bodyguards naman daw at ilang organizers ng presscon ang nakabangga ng mga TV reporters at crew.
* * *
This Wednesday pipirma ng movie contract sa Star Cinema si KC Concepcion, one-picture contract deal lang daw ito. Wala pang napipiling leading man at wala pa ring malinaw na project na gagawin ang dalaga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.
Ito na kaya ang project na sinasabing pagtatambalan nila ni Richard Gutierrez? Kapag natuloy ito, maging daan na kaya para mawala na ang network war between ABS-CBN at GMA 7 na ang may-ari ay mga owners din ng Star Cinema at GMA Films, respectively?