Ready for showing na ang The Echo kaya excited na ang Pinoy director na si Yam Laranas na ayaw na magpatawag ng “direk.”
Sure ako na panonoorin ng mga Pilipino ang The Echo dahil karangalan natin na isang Pinoy ang direktor ng Hollywood movie na ito at kasama pa sa cast ang ating very own na si Iza Calzado, kung saan nagbida rin sa pinaghanguang local film na Sigaw.
Type ko si Yam dahil kahit made na siya, hindi niya nakakalimutan na pasalamatan si Mother Lily Monteverde sa pagbibigay sa kanya ng malaking break sa pelikula.
Si Mother ang produ ng Sigaw na napansin ng mga American producers kaya gumawa sila ng English version ng suspense-thriller na ito na tinawag nilang The Echo.
Click na click sa mga foreigners ang Asian horror films. Yung mga Amerikanong kaibigan ng mga anak ko sa Amerika eh nanonood ng Pinoy horror movies itsurang hindi sila nakakaintindi ng Tagalog. Nakikitili sila sa mga Pinoy na sumisigaw sa mga nakakatakot na eksena, basta masabi lang na affected din sila ng kanilang mga pinanonood.
* * *
Nagkomento uli ang reader na si Cantoshami na feeling happy dahil iba raw pala ang pakiramdam kapag nababanggit ko ang mga pangalan nila dito sa column ko.
Mas magiging masaya si Cantoshami kung sasabihin niya sa akin ang kanyang tunay na pangalan para makilala na siya sa buong mundo.
Nagpapasalamat ako sa kanya at sa ibang PSN readers na nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa mga kababayan natin na umaani ng tagumpay sa entertainment scene sa ibang bansa.
Heto ang reaksyon ni Cantoshami sa column item ko tungkol sa news na ibinahagi niya sa akin:
“Thanks Lolit sa pagpansin sa comment ko kahapon. Laugh ako nang laugh kasi ganito pala ang feeling na ma-dyaryo ang comment. Nakakatuwa!!!
“Anyway, ang surname ni Demi sa So You Think You Can Dance (Australia) ay Sorono. Ito ang kanyang profile -- http://dance.ten.com.au/demi-sorono-profile.htm
“Wala pong kalokohan ’yan, promise, at marami rin siyang video sa YouTube. Sana manalo siya sa grand finals sa darating na Sunday. I guarantee na pang-telenovela ang lifestory niya at ng kanyang family. Pure Pinay siya pero Aussie citizen.”
At dahil ibinigay ni Cantoshami ang website ng mga impormasyon tungkol kay Demi, hindi ako magtataka kung ma-feature siya sa ilang news program ng ating bayan.
Kita n’yo naman, ibinalita ng 24 Oras ang Britain’s Got Talent. Napuntahan kaagad ng kanilang maagap na staff ang bahay na tinitirhan ni Madonna Decena dito sa Pilipinas at nakunan ng footage ang kanyang mga anak.
Hindi sa pagyayabang pero ang PSN ang unang naglabas ng balita tungkol sa pagsali ni Madonna sa sikat na talent search show sa United Kingdom at ’yan eh dahil sa reader ng PSN na nag-share sa akin ng balita.
Napanood kaagad ng mga Pinoy ang pag-apir ni Madonna sa Britain’s Got Talent dahil sa YouTube at sa website ng show sa Internet.
Kaya sa mga readers ng PSN, maraming-maraming salamat sa mga impormasyon na inyong ipinadadala sa amin.
* * *
Hmm...natsitsismis sa isang maimpluwensyang tao sa showbiz ang aktor na hindi marunong umarte pero nangangarap na sumikat.
Ang aktor daw ang flavor of the month ng influential showbiz personality. Kung true man ang balita, asahan natin na magkakasunud-sunod ang movie projects ng aktor na walang talent sa pag-arte pero naniniwala na magiging dramatic actor siya.