Matindi ang huling pag-aaway ng magsyotang aktor at aktres dahil umabot sa pisikal, pero hindi ang lalaki ang lamang, ang aktres ang nanakit sa boyfriend.
Kinalmot daw nito ang actor na mabuti’t nakailag, kaya ang braso ang inabot ng kalmot at hindi ang mukha. Kung nagkataon, mahihirapan itong i-explain sa manager at parents kung ano ang nangyari sa face.
Selos ang rason nang away ng dalawa, nalaman yata ng actor na ang ibang gamit ng nobya ay bigay sa lalaking nali-link dito. Kahit friendly gifts lang ang mga iyon, masakit pa rin sa ego ng boyfriend-actor na may ibang nagreregalo sa girl niya.
Wala nga lang tayong maaasahang kumpirmasyon sa dalawa tungkol sa naging away nila, hindi nga nila maamin hanggang ngayon na may relasyon sila e.
* * *
Kampante si Rachelle Ann Go na tatanggapin ng kanyang mga fans ang bago niyang album na kaiba sa tatlong nauna niyang albums sa Viva Records. Sa halip na ballad, pop rock ang approach ng kanyang Rachelle Ann Rocks Live, na ni-record ng live sa 19 East in Parañaque. In fairness, kering-keri nitong maging medyo rakista ang dating at binago ng konti ang boses para bumagay sa mga kantang kasama sa 13-track album niya.
Ang Honestly ng Harem Scarem ang carrier single ng album, pero ang The Search is Over ng Survivor ang kanyang favorite. Other songs in the album are No Rain, I Just Can’t Let Go, When You Love Someone, Can’t Cry Hard Enough at marami pang ibang sikat na mga kanta.
Kahit matagal ng break, si Christian Bautista pa rin ang itinatanong kay Rachelle, pero walang balikang nangyari sa kanila at wala pa rin siyang balak mag-boyfriend uli. Mahirap daw makahanap ng gaya sa ex niya na mabait, kaya sa career muna ang focus niya.
Thankful din si Rachelle na hindi nakasira sa friendship nila ni Christian ang pagpapalabas ng official statement ng management nito tungkol sa kanilang break up. Dapat daw siya ang gumawa noon, pero ang kampo ng ex ang gumawa.
“Nagulat at nainis ako sa umpisa, lalo’t ang daming nag-text sa akin na bakit daw gano’n, pero okey na ako. Hindi lang maiwasang magkailangan kami, pero wala na yun,” say nito.
Ayaw sa intriga ni Rachelle, kaya hindi sinakyan ang isyung sa last concert na magkasama sila ni Sarah Geronimo, mas inalagaan ito mula sa gowns na isinuot, choice of songs at blocking. Samantalang siya’y hindi masyadong standout ang mga gown at pinahirapan pa sa blockings niya. Basta ang alam ni Rachelle, magkaibigan sila ni Sarah.