Hindi masyadong madiin ang kanyang pag-amin, pero sa unang pagkakataon ay sinabi na ni Inah Revilla ang totoo niyang kalagayan, nagdadalantao na siya kaya kailangang magpakasal na sila ni Vince del Rosario.
Si Vince ay beinte tres anyos na binatang lumaki sa Amerika, anak ito ng kaibigan at chief of staff ni Senador Bong Revilla, ayon sa aming impormante ay hindi totoong magkaibigan na sila mula pa sa pagkabata ni Inah dahil sa taong ito lang umuwi dito si Vince.
Nung una ay hindi pa sinasabi ng pamilya Revilla ang totoong pangyayari, ang pagmamahalan lang nina Vince at Inah ang kanilang ikinakatwiran kung bakit kailangan na nilang magpakasal, pero noon pa man ay marami nang nagdududang may deposito na ang binata sa dalaga.
Pero anuman ang pagtatagong ginawa noon ng mga Revilla tungkol sa tunay na sitwasyon ni Inah, ang mahalaga ay pinaninindigan ni Vince ang namagitan sa kanila, ikakasal na sila sa Manila Cathedral sa May 28.
Naging emosyonal ang mag-asawang Bong at Lani Mercado sa kaganapang ito, hindi maiaalis ang ganung sentimyento sa mag-asawa, dahil panganay nilang anak na babae si Inah.
Babae pa naman ang sa kanila, mahirap pakawalan, pero si Lani na mismo ang nagpapakalma sa senador. Ayon sa aktres ay hindi naman sila mababawasan kundi madadagdagan pa nga, karagdagan nang miyembro ng kanilang pamilya si Vince ay nandiyan pa ang nalalapit na pagdating ng kanilang apo, kaya mas magiging masaya ang kanilang pamilya.
* * *
May nakapagkuwento sa amin kung gaano kayaman ang pamilya ng mapapangasawa ni Inah Revilla. Malapit na kaibigan ng mga Del Rosario ang kakuwentuhan namin nung minsan, nakakalula ang mga kuwento nito tungkol sa pamilya ni Vince, grabe pala ang yaman ng pamilyang ito.
“Milyonaryo ang family ni Vince, ang father niya, galing sa isang prominent family ng mga businessman. Walang halong OA ang kuwento ko, nung minsang bumili sila ng house and lot sa Forbes Park, P470M ang halaga ng binibili nila, pero kahit singko, hindi sila tumawad.
“Magte-tennis ang mommy ni Vince, kapag umuwi siya, may bago na siyang imported car, regalo ng daddy niya. Ganun katindi ang pamilyang ito, kaya hindi dapat nagtatanong ang iba diyan kung sino ba ang mapapangasawa ni Inah,” kuwento ng aming impormante.
Pero hindi naman ibig sabihin ng aming source na mas nakaririwasa sa buhay ang pamilya ni Vince kesa sa mga Revilla, ang mahalaga ay nakasisiguro ang mga nagmamahal kay Inah na maganda ang pamilyang kapupuntahan niya, dahil maayos ang pinagmulang pamilya ni Vince.
* * *
Maraming natatawa sa sinabi ni Rosanna Roces na dapat daw pala ay panggastos sa binyag ng kanyang apo ang perang pinanalunan niya sa karera, pero hindi yun ibinigay sa kanya ng kahera, kaya ganun na lang ang kanyang galit.
Nakakatawa raw dahil iasa ba ang gagastusin sa binyag mula sa karera? Pera na ay naging bato pa, dahil nung hinahanap na kay Osang ang ticket ay wala siyang maipakitang ebidensiya, hindi niya pala binayaran ang kanyang taya na pinadaan lang niya sa tawag sa telepono.
Si Osang pa naman, kadalasan ay hindi siya nakikinig sa katwiran, ang akala niya ay siya ang palaging tama. Sabi ng mga kareristang nakausap namin, kung walang ticket, walang panalo.
Kung katwiran ang pag-uusapan ay hindi kakampi ni Osang ang mga kapwa niya karerista sa ginawa niyang pagwawala sa OTB station, maling-mali raw yun, dapat daw ay nagkaroon din siya ng pang-unawa sa bantay sa OTB na kung sakaling natakot ito sa kanyang pagwawala ay yung tao naman ang magbabayad sa kanyang pinaglilingkuran.
“Ang tagal-tagal na niyang nangangarera, hindi pa ba naman niya alam ang ganun? Saka sorry, hindi siya horse owner, anu-anong kabayo ba ang sinasabi niyang kanya?
“Ito talagang si Osang, mali na siya, itinatama pa rin niya ang katwiran niya!” komento pa ng isang nakausap naming karerista rin.