LOS ANGELES – Gumamit umano ng cocaine sa isang party bago namatay ang aktor na si Heath Ledger.
Ito ang lumalabas sa isang demandang isinampa kamakalawa ng isang babae sa Los Angeles Superior Court laban sa isang photo agency at dalawang paparazzi na kumuha ng larawan kay Ledger habang gumagamit ito ng cocaine sa isang kuwarto sa isang hotel.
Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ng babae pero sinasabi umano niya na dalawang paparazzi ng Splash News ang nagbuyo kay Ledger na magtungo sa kanyang silid sa Chateau Marmont Hotel noong Enero 29, 2006. Binigyan nila ng cocaine ang aktor bago nila ito lihim na kinunan ng video.
Nakatala lang sa court document ang babae bilang Jane Doe dahil natatakot siya sa magiging reaksyon ng publiko kapag nakilala siya.
Ayon kay Douglas Johnson, abogado ng babae, ayaw ng kanyang kliyente ng publisidad sa demandang ito. “Anu’t anuman, humihingi siya ng danyos-pinsala sa paglapastangan sa kanyang privacy.”
Inirereklamo ng babae ang pagbebenta sa Ledger tape dahil kinontrol ng mga nasasakdal nang wala niyang permiso ang kanyag silid sa hotel na siya ang nagbayad. Nasira anya ang reputasyon niya sa lumabas na video footage.
Ang 28 anyos na si Ledger na nakilala sa mga pelikulang Brokeback Mountain at Dark Knight ay namatay sa kanyang Manhattan apartment noong Enero 22 dahil sa paggamit ng anim na klase ng painkiller at sedative.