Richard Poon ayaw umarte sa showbiz
Sa unang tingin o dinig ay walang kakaiba sa pangalang Richard Poon. Matatas na matatas ang Tagalog nito kapag nagsalita pero Taiwanese/Cantonese ito. Dito na kasi siya sa Pilipinas isinilang at lumaki. Ngayon ay unti-unti nang tumutunog ang kaniyang pangalan dahil regular siya sa ASAP at talagang pinu-push siya sa programa at bagaman at tila hindi mga bagets ang puntirya niya, nagkakaro’n sila ng interes sa kanya, maging ng mga yuppies. Natsa-challenge tuloy si Richard na alamin kung ano ang ikinagugusto nila sa kanya.
Galing sa isang bansa si Richard. Atubili siyang mag-solo. Mas gusto niyang isa lamang sa marami.
“Hindi ko inaakalang makakarating ako sa kinaroroonan ko ngayon, na pwede pala akong mag-solo. Pero, eto at nakagawa na ako ng isang album at very flattering yung paghanga na tinatanggap ko sa mga tao, sa ASAP, and every time na lumalabas ako. Overwhelmed talaga ako,” sabi niya.
Ngunit ang kanyang tagumpay, ang mga musical artists na humahanga sa kanya at ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanyang musika ay pahiwatig na tama ang kanyang desisyon na maging solo artist. Pinakita niya sa buong bansa na mayroon siyang sariling style at tunog, ang pinaghalong standards at modernong kanta!
Sa kanyang nakahuhumaling na charisma, matipunong tikas at malamig na boses, marami ang nag-iisip na gugustuhin ng singer ang pagpasok sa showbiz
“Hindi. Ayokong umarte. Mas gusto kong mag-focus sa mga bagay na magaling ako - ang pag-arrange ng music, paglikha ng awit at pagkanta ng galing sa puso,” sagot nito.
Panoorin si Richard Poon sa regular segment na “Serenading” ng ASAP at abangan ang kanyang pinakaunang major solo concert, Richard Poon: I’ll Take Care of You sa May 1 and 2 sa Music Museum, produced ng ASAP Live at direksyon ni Georcelle Dapat.
* * *
Lubhang naapektuhan si Mother Ricky (Reyes) ng mga kadramahan ng Search for the Philippines’ Hair Diva kung kaya isang game show ang napili niyang bagong episode ng Gandang Ricky Reyes (QTV11, Linggo, 10-11 a.m.). Isang salon master naman ang hahanapin among 15 hairdressers na kinuha pa nila nationwide. Maglalaban-laban silang lahat sa isang multiple choice na tanungan hanggang sa makakuha ng apat na winners na makakasali sa semi-finals.
Bukod sa tanungan na kailangan nilang sagutin, tatanggap sila ng lucky cards mula sa mga judges (Mother Ricky, Joanne Quintas, Renee Salud at Hair Diva champion Rommel Dobluis) at ang pinakamaraming lucky cards ay magiging Salon Master of the Week and will advance to the final round na kung saan dalawa lamang ang maghaharap, ang semi-finals winner at ang defending champion.
* * *
Bakit ba ipinatanggal na daw ang napakalaking billboard ni Dingdong Dantes na naka-briefs lamang siya sa EDSA? Bakit, eh nag-i-endorso lamang siya ng isang kasuotang panloob ng isang lalaki? Ano naman ang kaibahan nito sa shorts, eh ginawa namang hindi malaswa ang pictorial, ng kung sino man ang kumuha nun?
Hay naku, umandar na naman ba ang pagiging makaluma natin eh makabagong panahon na.
Anyways, I’m sure di makakaapekto bahagya man sa popularidad na tinatamasa ni Sergio (si Dingdong sa Marimar) mawala man ang nasabing billboard. By now, tanggap na siyang isang sagisag ng ka-machohan. Hindi lang siya isang bankable actor, isa rin siyang mahusay na dancer, TV host, director, race car driver, and entrepreneur.
Siya rin ang bagong mukha ng Medicol, na ayon sa marami ay nagbibigay na ng malakas na laban sa isa ring popular na brand ng analgesic mula nang makuha nilang endorser si Dingdong.
- Latest