Tumatawag sa mga EP ng mga show ng isang network ang dalawang ina ng child actresses na inilipat ng kanilang manager sa ibang TV station. Nagtatanong ang mga mommies kung walang trabaho para sa kanilang mga anak sa iniwang istasyon. Wala raw silang kontrata sa nilipatan nilang istasyon at puwede silang magpalipat-lipat. Mula nang alisin ng kanilang manager sa network na nagbigay ng break, madalang nang mapanood sa telebisyon ang mga bata. Naaawa man ang isa sa mga tinawagang EP, wala itong magawa’t ang istasyon pa rin ang magde-decide kung kukunin ang serbisyo ng mga bagets.
Alam kaya ng manager ng mga bagets ang ginagawa ng mga ina nito at okey kaya sa kanya ang paghingi nito ng tulong sa mga EP nang iniwan nilang network? Sayang ang dalawang bagets na pareho pa namang magaling, pero nawala ang momentum ng kani-kanilang career nang sapilitang ilipat ng kanilang manager sa kabilang istasyon.
In fairness, may regular show sana sa nilipatang network ang isa sa mga bagets at siya ang gaganap na batang bida sa teleserye, pero natigil pansamantala ang taping ng serye. Ang isa namang bagets, may hinuhulugang sasakyan at kailangan ng regular income, pero hindi siya napapanood at wala na ring balita sa kanya.(NM)