Kim sinugod pati sa poso-negro

Nawiwindang kami sa mga pinaggagagawa ni Kim Atienza sa kanyang programang Matang Lawin. Napanood na namin ang unang dalawang episodes nito at sa aming pagtutok ay naiisip namin, ano kaya ang akala ni Kim, kapag namatay siya ay puwede siyang bumili ng panibagong buhay sa mga department stores?

Umaakyat siya sa matatarik na gusali na walang gamit na harness, nakikipagharap siya sa mga ahas na meron pang kamandag, nung nakaraang sultada naman ng Matang Lawin ay pumasok siya sa poso-negro na tanging mga sanay lang sa amoy at lasa ng dumi ng tao ang nakagagawa.

Sa Lunes nang gabi naman (pagkatapos ng Bandila) ay mapapanood sa kanyang prog­rama ang pagpapatanim niya ng agimat sa isang Mang Piling na dinadayo ng mga pulis at militar sa may paanan ng bundok sa Dolores, Quezon.

Ipinakita pa sa amin ni Kim ang pilat sa kanan niyang braso, may agimat nang itinanim dun si Mang Piling, ayon sa nagtatanim ng agimat ay magiging malakas ang kanan niyang braso at magagamit lang niya yun kung kinakailangan.

Pero may pasubali ang mag-aagimat, “Lalakas ang kanang braso mo, pero hindi mo na mapapalo ang mga anak mo.”

Nakunan ng mga camera ang buong proseso ng pagtatanim ng agimat sa kanyang bra­so, icepick ang ginamit nitong pambutas, naramdaman niya ang tusok nun at napaigtad siya.

“May inilagay na maliit na piraso ng ginto si Mang Piling sa braso ko, ang sabi niya, mag­kakaroon ng extrang lakas ang kanan kong braso, pero mula ngayon, hindi ko na mapapalo ang mga anak ko.

“Okey lang naman yun dahil talagang hindi ako namamalo ng anak, sa ibang bagay ko ito magagamit. Dinadayo si Mang Piling ng mga pulis at militar, nagbibigay siya ng amulet, yung hindi sila tatablan ng bala kapag binaril sila.

“Hindi siya nagpapabayad, wala ring donasyon, pinaniniwalaan siya at dinadayo sa bahay niya ng mga kilalang pulitiko, militar at ng iba pang mga kilalang personalities,” kuwento ni Kim.

Ikinuwento rin niya na nung pumasok siya sa poso-negro ay kinaya niya ang amoy sa ilalim, pero nung lumabas na siya at sariwang hangin na ang naamoy niya ay saka niya nalasahan ang dumi ng tao, kaya naduwal siya.

“Kaya ko yung sa mismong poso-negro. Wala ka namang choice dun, hihinga ka pa rin siyempre, kahit pa medyo sariwa pa ang mga duming naglulutangan sa paligid mo.

“Pero nung lumabas na ako at fresh air na ang naamoy ko, biglang tumingkad yung lasa ng dumi ng tao, magkatugon ang ilong at bibig, kaya nalasahan ko talaga ang etsas.

“Hindi ko kinaya yun, nasuka talaga ako, dahil lasang-lasa ko ang etsas nang nakalanghap na ako ng hangin sa labas,” kuwento pa rin ng magaling na newscaster.

* * *

Natagpuan na ni Kim ang tunay niyang mundo. Naging pulitiko rin siya nang matagal na panahon, marami na rin siyang natulungan, pero ang personal na kaligayahan sa kanyang mga ginagawa ay nakita niya sa mundong ginagalawan niya ngayon sa telebisyon.

Siya ang literal na pumalit sa yumaong Ka Ernie Baron, si Kim ang tagapagbigay ng lagay ng panahon sa lahat ng news programs ng ABS-CBN, bukod pa sa siya rin ang tagapag-ulat ng lagay ng trapiko tuwing umaga at hapon.

Saludo kay Kim ang mga kababayan nating nakasentro rin ang atensiyon at interes sa mga hayop, para kabisahin niya ang mga scientific names ng mga hayop at insektong dinadala niya sa Umagang Kay Ganda at sa Matang Lawin, ang ibig sabihin nun ay matalino siya, seryoso sa kanyang propesyon at matindi ang pagpapahalaga niya sa mga hayop.

Ito ang mundo ni Kim, hindi ang mundo ng politika na kinagisnan niya, at isang kayamanan si Kim Atienza ng bulwagang-pambalitaan ng ABS-CBN dahil sa kanyang malawak na talento sa paghahatid ng balita sa sambayanan.

Hindi rin matatawaran ang kaliwa’t kanang pag-eendorso niya ng iba’t ibang produkto, ibig sabihi’y epektibo siyang endorser, ibig sabihi’y meron siyang kredibilidad.

“Mabait po si Kuya Kim, marunong siyang makisama at nagbabantay siya sa editing ng trabaho niya. Gano’n niya sineseryoso ang career niya,” papuri kay Kim Atienza ng kanyang katrabaho sa News And Current Affairs Division ng Dos.

Show comments