Painit na ng painit ang alitan sa pagitan nina Jake Cuenca at Railey Valeroso. Hindi lang bilang mga ahente ng Palos, kundi pati na rin sa babaeng kanilang pinag-aagawan, si Roxanne Guinoo! Sino kaya ang magwawagi sa love triangle na Jake-Roxanne-Railey?
Ngunit sa kabila ng nasabing kumpetisyon at kontrobersiya ng dalawa, nakakagulat na malaman na mag-best friends pala ang dalawa sa totoong buhay. Nagkasama noong mga baguhan pa lamang sa showbiz, hindi nagbago ang pagkakaibigan kahit na ilang taon na ang nakalipas.
Sa katunayan, ayon kay Jake, siya mismo ang nagsabi kay Railey na maging isa nang Kapamilya at siya ang tumulong dito na makakuha ng programa.
Dahil sa paglipat ni Railey, isang oportunidad ang ibinigay sa kanila upang magkatrabaho sa Palos.
* * *
Hindi lamang ang pagtataas niya ng talent fee ang inaamin ni Rafael Rosell na naging bunga ng pagkakapanalo niya ng best supporting actor para sa Romeo & Juliet kundi maging ang mataas na pagpapahalaga na ibinibigay sa kanya ng buong industriya ngayon.
Hindi naman maging kay Rafael lamang ito nangyayari kundi maging sa lahat na napagkakalooban ng award. Siyempre naman nakakalamang na sila, mag-iiba’t mag-iiba ang pagtingin at pagpapahalaga lalo na ng mga kapwa nila artista “Pero, hindi ito dahilan para magbago ako. Kung sakali man, mas maoobliga akong pagbutihin ang aking craft. This will be expected of me. Mas nakakatakot nga because people will be expecting more and better performance from me everytime,” sabi ng aktor na muli ay pinagkalooban ng ABS-CBN ng isang napakahalagang role bilang isa sa pangunahing tauhan sa Sineserye Presents: The Susan Roces Cinema Collection kapareha ang teleserye queen na si Claudine Barretto.
* * *
Napakaswerte naman ni Jon Avila at siya ang napili ng ABS-CBN na ilunsad bilang pinakabago nitong superhero. Siya ang gaganap na Kapitan Boom, isang character na nilikha ni Mars Ravelo. Ang pamosong nobelista ay iginawa ng sarili niyang fantaserye na mapapanood tuwing Sabado sa Mars Ravelo’s Komiks Presents Kapitan Boom.
Para kay Jon Avila, isang malaking blessing ito. “It’s going to be a challenge for me as an actor. It’s also going to train me because I have to be physically fit and in shape,” sabi nito. “May mga stunts, fight scenes. So it’s a great challenge for me as an actor and as a person. It’s going to test my ability, my patience.”
Makakasama ni Jon bilang alter ego niya si Jay-R Siaboc, na gaganap bilang Lance. Si Lance ay isang Cebuano na matalino, mabait, torpe at allergic sa pollen. Nabigyan siya ng pagkakataon na maging superhero kaya nagta-transform siya at nagiging si Kapitan Boom.
* * *
Finally inamin ni Arnell Ignacio na exclusive property siya ng GMA 7. Marami ang nagtatanong kung isa ba siya sa kakaunting artista na pwedeng maglabas-pumasok sa dalawang higanteng networks ng bansa, ang GMA 7 at ABS-CBN 2.
Para sa kanya ang balik-programa, binalikan niya ang paghu-host ng Gobingo, isang interactive game show na mapapanood Lunes hanggang Biyernes simula Abril 14.
“Salamat sa aking manager (Annabelle Rama) na napakalaki ng pagtitiwala sa akin. Ganoon din sa GMA na muling nagtiwala sa akin matapos akong magluka-lokahan,” ani Arnelli na sa kabila ng pagiging matagal nang artista sa TV ay kabado pa rin siya kapag humaharap sa press. Ang maganda kay Arnelli, kilala niya halos lahat ng movie press, alam niyang lahat ang mga first names nito.
Balik Gobingo tayo, bawat episode ay tatlo ang maglalaro. Napili sila mula sa audition, tatlong rounds ang paglalabanan nila.
Ang mananalo ang bibigyan ng pagkakataong makapag-laro sa jackpot round. Kapag hindi napanalunan ang jackpot round iro-roll over ito sa susunod na araw hanggang sa mapanalunan ito.
Pwedeng sumali ang mga nasa bahay. Kailangan lamang nila ng proof of purchase at ipalit ito sa Mercury Drug outlets nationwide ng scratch cards. Itext lamang ang unique code ng scratch card para makakuha ng Gobingo virtual playing cards. Ang unang maka-blackout gamit ang Gobingo card ang mananalo.
* * *