Ginanap kahapon ang pictorial ng buong cast ng Dyesebel sa Studio 3 ng GMA Network. All-star cast na naman ito gaya sa Marimar at malaking tulong ang mga makakasama nina Marian Rivera at Dingdong Dantes para mag-hit ang TV remake ng isa sa mga klasikong sinulat ni Mars Ravelo.
Bukas, ang iba sa kanila’y lilipad na tungong Palawan para sa taping ng pilot week ng fantaserye na this April na simulang sumisid. Ang ibang cast na kailangang sa dagat ang location, sa Batangas na lang yata kukunan.
Habang binabasa ang na-text sa aming ilang members ng cast, nagulat kami at pumayag si Wendell Ramos na gumanap na ama ni Dyesebel. Siguro, lalabas siya nang bata pa si Dyesebel, but in fairness, sa pagkakasama niya sa fantaserye, magiging tatlo na ang regular show niya sa GMA 7, kasama ang Bubble Gang at Tasya Fantasya.
Narito ang bubuo ng cast ng Dyesebel bukod kina Marian at Dingdong: Jean Garcia as Luisa/Lucia, mother ni Dyesebel at reyna ng karagatan; Banak, Lotlot de Leon, mag-aalaga kay Dyesebel; Dyangga, Mylene Dizon, aagaw ng trono ni Jean; Wendell ama ni Dyesebel.
Kasama rin sina Ricky Davao, Luis Alandy, Bianca King, Hero Angeles, Teri Onor, Paolo Ballesteros, Michelle Madrigal, Aljur Abrenica, Kris Bernal, at Alfred Vargas. Tiyak na madadagdagan pa ang cast habang tumatakbo ang istorya.
Busy si Jean dahil bukod sa Dyesebel, ginagawa rin nito ang pelikulang Love Is All That Matters ng Regal, katambal ang rumored boyfriend niyang si Polo Ravales.
* * *
Nawawalan na yata ng pag-asa ang young actress na makipag-balikan sa kanya ang nakarelasyong young actor, kaya lumapit ito sa ina ng ex at nagpapatulong para kausapin ang anak na balikan siya.
Hindi nga lang successful ang paglapit ng young actress sa ina ng ex, dahil bukod sa ayaw nitong makialam sa love life ng anak, alam din nitong wala nang kabalak-balak ang anak na makipag-reconcile sa dating nobya. Knows ng madir na sa halip na sumaya sa piling ng girlfriend, namroblema ito sa sobrang selosa ng girl.
Walang nagawa ang pag-iyak ng actress sa harap ng ina ng kanyang ex at agad siyang tinapat na wala siyang maitutulong. Ang actor na raw ang magde-decide kung babalikan siya o tuluyang ililigwak.
* * *
Hanggang May na lang ang Tok,Tok, Tok nina Paolo Bediones at ng Sexbomb Girls, pero ibabalik din ng GMA 7 sometime in September. Wala pang bagong offer na show sa TV host at mag-i-expire na ang contract niya sa September, pero kampante itong hindi siya pababayaan ng kanyang home studio.
Ten years na sa Channel 7 si Paolo at pumasok siya na wala pa ang Kapuso Network building at sa maliit na studio lang sila nagsu-show. Isi-celebrate nito ang 10th anniversary sa showbiz this April at gusto nitong ang 11th year niya at mga susunod na taon ay sa Channel 7 pa rin. Wala siyang maisip na rason para lumipat, dahil hindi naman siya pinababayaan at maghihintay siya ng next show na ibibigay sa kanya ng istasyon.
Hindi namin kinakitaan ng insecurity si Paolo sa pagbabalik ni Arnell Ignacio bilang host ng Go Bingo at ilalagay sa time slot ng Whammy! na host sila ni Rufa Mae Quinto dati. Okey din sa kanya na kay Ogie Alcasid ibinigay ang pagho-host ng The Big Show, ang bagong game show ng GMA 7 na ipapalit sa Takeshi’s Castle. Tama nga naman ang sinabi nitong may kanya-kanya silang talent at may paglalagyang show.