Buti na lang at sa wakas, lalantad na rin ang Project 1 at sasabihin na sa publiko ang tunay na nais nilang iparating. FYI sa lahat, ang mga miyembro ng Project 1 ay totoong galing sa mga natsismis na iba’t ibang mga banda. Pero hindi naman kailangang maglupasay ang kanilang mga fans. Ayon kay Raimund Marasigan, lead vocalist ng bandang Sandwich at isa sa mga miyembro ng Project 1, hindi naman talaga nila iiwan ang kani-kanilang mga banda. Binuo muna ang bagong grupo dahil sila ay mga artists na may iisang hangarin at nagnanais gumawa ng bago at sariwang kanta para sa kabataan. “Hindi naman namin iniwan ang aming mga band. Ginawa lang namin itong bagong kanta na tungkol sa pagiging masaya,” wika ni Raimund ukol sa kantang Ang Sarap Dito.
Ang kantang Ang Sarap Dito ay isang uplifting na awit na umaanyaya sa kabataan na maki-join sa happy at positive side ng life. Sa katunayan nga, nag-uumapaw na papuri na ang natanggap ng kantang ito mula sa publiko.
Ayon naman kay Katwo Puertollano, miyembro ng bandang Narda at kasama rin sa Project 1, ang kantang Ang Sarap Dito ay tumutulak upang maunawan ng kabataan na kaya nilang magawa ang kanilang best sa lahat ng pagkakataon. “Ang sinasabi talaga ng Ang Sarap Dito ay ‘halina’t i-improve naman sana natin ang mga buhay natin!’ Siyempre ang pinakamagandang paraan para mag-improve ka ay paligiran mo ang sarili mo ng mga taong nakaka-inspire sa ‘yo at puwede mong tularan bilang role-models,” wika pa ni Katwo na talaga namang hangang-hanga rin sa mga kasama niya sa Project 1.
Bukod pa kina Raimund at Katwo, ang iba pang mga miyembro ng Project 1 ay sina Carlos Calderon ng Chocosci, Francis Reyes ng The Dawn, Clem Castro ng Camera Walls, Uela Basco ng Chillitees at Jazz Nicolas ng Itchyworms.