Kapag nag-away ang dalawang guwapong actor, kasalanan ng actress na parehong nali-link sa kanila. Minsan, nagpasundo ang actress kay Actor A sa kanyang bahay, pero pagdating nito sa bahay ng actress, nauna na sa kanya si Actor B. Nang makita ni Actor A ang kotse ni Actor B na naka-park sa harap ng bahay ng actress, hindi na siya umakyat ng bahay at hindi na rin nagpakita.
Dahil sa galit (at selos na rin), binasag ni Actor A ang side mirror ng mamahaling sasakyan ni Actor B, saka umalis. Nagulat si Actor B nang pagbaba sa bahay ng actress, basag na ang side mirror ng kanyang sasakyan. Hina-hunting daw nito ang gumawa noon, as if naman aaminin ni Actor A na siya ang may gawa noon.
* * *
Mabilis nawala si Wendell Ramos pagkatapos ng Q&A portion sa presscon ng Tasya Fantasya. Hindi nito binigyan ng chance ang press na matanong siya ng mga isyung walang kinalaman sa show.
Isa rito’y ang identity ng non-showbiz girl na kanyang karelasyon. Ayaw niya itong pag-usapan at hindi naman daw artista, pero kung tama ang balita namin, may anak na sila ng girl na kinaiinggitan ng mga nagpapantasya sa actor.
Hindi na rin natanong si Wendell kung totoong muntik na siyang umalis sa GMA-7 at lumipat sa ABS-CBN. Hindi rin alam ng source namin ang dahilan kung bakit binalak nitong iwan ang Bubble Gang, pero hindi naman daw natuloy. Heto nga’t magti-taping na uli siya para sa Tasya Fantasya na magpa-pilot sa April 6 sa direksyon ni Mac Alejandre.
Anyway, dual role si Wendell sa TF, siya si Prince Federico na nakatakdang pakasalan ni Princess Anastacia (Yasmien Kurdi) at siya rin si Donald, ang guwapong model na super crush ni Tasya (Yasmien pa rin).
* * *
Kung tama ng tsika sa amin ng isang source, maganda ang role ni Hero Angeles sa Dyesebel bilang kapatid ni Fredo (Dingdong Dantes). Makaka-love triangle siya nina Kris Bernal at Aljur Abrenica na kasama rin sa fantaserye.
Bago ang storycon, nagkita-kita na ang cast sa workshop na ginawa bilang paghahanda sa taping ng fantaserye simula April 2 (sabi ni Dingdong Dantes, April 3) sa Palawan. Iyong hindi pa alam na kasama nila si Hero, nagulat nang makita nila ito sa workshop, pero madali rin namang nagkapalagayan ng loob ang lahat.
Cute ang role ni Teri Onor bilang sea horse at si Alfred Vargas bilang syokoy. Ang gusto naming malaman ay kung ano ang role ni Paolo Ballesteros na nakasabay sa swimming lesson nina Marian Rivera, Alfred at Michelle Madrigal.
* * *
Si Mel Martinez ang director ng reality show ng Q-11 na The Debutante at ’wag siyang pagtaasan ng kilay, dahil one year na siyang nag-a-AD o assistant director kay Rico Gutierrez sa pagdidirek nito ng TV commercials. To date, nakagawa na sila ng 40 TVCs at ang pinaka-latest ay ang TVC ng TM endorsement ni Cesar Montano.
Si Mel din ang AD ng TVC ng kapatid niyang si Maricel Soriano na very proud sa youngest brother. Mabilis daw idirek ang kanyang ate, para lang silang naglalaro and after three to four hours, tapos na sila.
Si Rico rin ang nag-push kay Mel na mag-direk na naghihintay lang ng break at nang bigyan ng Q-11, agad tinanggap. Graduate si Mel ng advertising sa Miriam College at kahit director na, aarte pa rin siya. And dream nito’y makapagdirek ng drama at comedy sa TV at indie films.
Samantala, walang fearless forecast si direk Mel kung sino sa 12 semi-finalists ng The Debutante ang mananalo at lahat sila’y magaganda at gustong mapiling the ultimate It Girl.