Legs ni Bianca kailangang itago
Kalat ang lungkot ng buong bayan nang maglabas ng opisyal na medical bulletin ng dating Pangulong Cory Aquino ang kanyang pamilya. Kumpirmadong may colon cancer ang dating pangulo, panalangin ang hinihingi ng kanyang pamilya na sana’y mapaglabanan niya nang maayos ang kanyang sakit, at hindi naman nagdamot ang bayan sa kanilang hinihingi.
Walang nagawa ang milyones ng asawa ni Rio Diaz, walang nagawa ang mga ospital na sikat sa buong mundo para madugtungan pa ang kanyang buhay, pero namaalam si Rio Diaz nang maluwalhati dahil nagawa nitong kapaki-pakinabang ang mga huling araw nito sa mundo.
Mahal ng bayan si Tita Cory. Maraming nagmamahal sa kanilang pamilya. Kung isang taon na lang ang natitira sa kanyang buhay ay magiging maraming taon pa yun dahil sa sama-samang sinserong panalangin ng buong bayan para sa kanya.
Nitong mga huling buwan ay kapansin-pansin ang parang biglang pagkakaedad ni Tita Cory, bumagsak din ang kanyang katawan, nung mga panahong yun pala ay meron na siyang dinaramdam.
Pero malapit sa Diyos si Tita Cory. Madasalin siya at matindi ang kanyang pananampalataya. Kalat ang milagro kahit saan, kahit mga pasyenteng tinatanggihan na ng mga doktor kapag pinagmilagruhan ay parang nagdahilan lang, harinawang ganun ang maganap kay dating Pangulong Cory Aquino.
Ipinagdasal na namin ang kanyang kalagayan kagabi. Magdadasal pa uli kami mamayang gabi. Sa mga susunod pang gabi at sa marami pang gabing susunod ay mananalangin pa rin kami para sa kanyang maagap na kaligtasan.
* * *
Napanood namin ang paglulunsad sa mga kabataang bumubuo ngayon sa Pinoy Big Brother Teen Edition Plus. Mukhang kaabang-abang ang mga kaganapan sa mga susunod pang gabi sa edisyong ito dahil interesante ang mga napili nilang boarders sa Bahay ni Kuya.
Ngayon pa lang ay meron nang minamanok ang mga kasama namin sa bahay, ang pinagkaitan ng pandinig na si Priscilla ang nangunguna sa kanilang listahan, sympathy vote ang tawag dun.
Minamanok din nila ang Atenistang si Robi Domingo, guwapo raw ang bagets at mukhang natural kumilos, pero personal naman naming gusto si Beauty na mukhang komedyana ang atake.
Gusto rin siyempre namin si Priscilla, makaaasa ng boto mula sa amin ang dalagang ito na tanging pinagpapakitaan ng bibig ni Big Brother, dahil kung hindi ay magiging blangko ang kanyang mundo.
Kapag tinititigan namin si Priscilla ay naiiyak kami. Inosente kasi ang kanyang mga tingin, parang lagi siyang naghahanap ng sagot, parang nanghihingi siya ng saklay sa atin sa kanyang pakikipaglaban.
Naaliw lang kami nung tinawag ni Big Brother si Beauty para maging interpreter ni Priscilla, kikay na kikay ang dating sa amin ng dalaga mula sa Dumaguete, nakita naming napapangiti si Priscilla sa kanyang kakikayan kaya nakitawa na rin kami.
* * *
Sina Toni Gonzaga, Mariel Rodriguez, Bianca Gonzalez at Luis Manzano ang hosts ng PBB Teen Edition Plus. In fairness kay Bianca, maganda ang suot niya nung gabing yun, hindi siya nagpahuli ng itsura kina Toni at Mariel.
Napanood din yun ng isang kaibigan naming designer at ang sabi nito’y maganda ang disenyo ng damit ni Bianca, “If you have something to show, flaunt it. Kung wala naman, keep it. Ang kailangan ni Bianca, long dresses, yung hindi nakikita ang legs niya.
“If you notice, hindi siya magandang magdala ng maiigsing damit dahil hindi magandang tingnan ang hita at legs niya, masyadong malaki, yun ang kailangang itago niya,” sabi ng aming kaibigan.
Pero hindi baduy si Bianca nung Linggo nang gabi, nakipagsabayan siya kina Mariel at Toni, yun nga lang, kailangan daw itago ang malalaki niyang legs, sabi ng kaibigan naming designer na tumutok din sa kanya.
- Latest