Happy Easter! O di ba, ilang araw na tahimik ang showbiz dahil nagbakasyon din ang mga showbiz personality?
May mga nagpunta sa probinsya at mga beach resort. Sa abroad naman ang drama ng mga can afford na sinamantala ang mahaba-habang bakasyon.
Hindi ako umalis ng bahay dahil wala akong probinsiya na pupuntahan. Natulog ako nang natulog. Hindi ko need na pumunta sa ibang lugar para magpahinga. Wala nang sasarap pa sa pagpapahinga sa sariling bahay. Komportable na, wala pang gastos.
* * *
Hindi nakakainip sa bahay dahil may mga show na mapapanood sa TV. Live ang mga balita sa CNN at BBC. May mga pelikula na napapanood sa HBO at Star Movies.
Ipinalabas sa GMA 7 at ABS-CBN ang mga replay ng kanilang mga TV show at pelikula ng Star Cinema.
Hindi nainip ang mga bagets dahil walang patid ang palabas sa Cartoon Network at Disney Channel.
Hindi katulad noong araw na talagang kapag Holy Week, wala ni isang palabas sa TV at walang programa sa radyo na mapapakinggan. Ibang-iba na ang panahon ngayon dahil nauso ang mga cable channel.
* * *
May mga artista na sinasamantala ang mahabang bakasyon para makapagparetoke sila ng mga bahagi ng kanilang mukha at katawan.
Sila ang mga artista na ayaw umamin na meron silang dapat ipagpasalamat sa doktor. Sila ang mga showbiz personality na nagpapanggap na likas ang kanilang kagandahan as in hindi ito pinakialaman ng siyensya.
Magugulat na lang tayo dahil pumayat sila. ‘Yun pala, nagpatsugi sila ng taba sa katawan sa pamamagitan ng liposuction.
Ang Holy Week ang perfect time para magparetoke ng kung anik-anik dahil hindi mapapansin sa showbiz ang kanilang pagkawala porke mahaba nga ang bakasyon.
* * *
Nagpaparamdam sa isang TV network ang aktor na minsan nang nag-dialogue na hindi niya ma-imagine ang sarili na iiwanan ang TV studio na nag-build up sa kanyang career.
Bumilib pa naman ako noon sa aktor dahil may loyalty siya. Hindi rin pala dahil type din niya na mag-ober da bakod porke wala nang magagandang TV project na ibinibigay ang kanyang mother studio.
I’m sure, feeling insecure na ang aktor dahil ang mga baguhang aktor na mas bata at sariwa kesa sa kanya ang nakakatanggap ng mga bonggang project.
* * *
Bukas pa malalaman kung kumita sa takilya ang pelikula ni Vhong Navarro na nag-open kahapon sa mga sinehan.
In fairness kay Vhong, good karma siya kaya pinipilahan ang kanyang mga pelikula, itsurang Sabado de Gloria kahapon.
Nasabik sa panonood ng sine ang mga tao dahil dalawang araw na sarado ang mga mall.
Gusto nilang matawa pagkatapos ng dalawang araw na pagninilay-nilay at pagtitika sa kanilang mga kasalanan kaya may-I-watch nila ang Supah Papalicious.