Robin ipagpapatayo ng rebulto si FPJ!

Hindi lamang mabait si Robin Padilla, galante rin ito. Ipagpapatayo nito ng rebulto si Fernando Poe, Jr., para sa Paradise of Stars na matatag­puan sa Mowelfund Plaza.

Ito sana ang pangarap kong mangyari hindi lamang sa Paradise of Stars kundi maging sa Walk of Fame pero dahil sa kakulangan ng budget, mga estrelya na nakalagay sa mga slabs of stone ang tanging nakakayanan ko. Salamat sa isang Binoe at mabibigyan ng kaukulang parangal o tribute si Da King.

* * *

Aba, di rin pala matatawaran ang pagiging galante o generosity ng ating kampeon ng masa na si Manny Pacquiao na ngayong araw na ang laban sa Mehikanong si Juan Manuel Marquez sa Las Vegas. Sinagot pala nito ang gastos sa pamasahe ng mga artista nating manonood ng kanyang laban. Ilan lamang sa kanila sina Rudy Fernandez, Lorna Tolentino, Eddie Gutierrez, Annabelle  Rama  at Richard Gutierrez.

Pagkatapos ng laban ay magpapaiwan sumandali dun si Eddie. Magbabakasyon muna ito habang wala pa siyang assignment dito. Sasamantalahin din niya ang pagkakataon para makipagkita sa kanyang kaibigan at dating aktor na si Bert Leroy.

* * *

Bakit naman isang malaking isyu sa atin kung meron tayong kababayang ‘di makapag-Ingles ng maganda? Ang dami-dami ngang matatagumpay na bansa ang hindi marunong mag-Ingles ang mga mamamayan pero hindi sila nilalait o pinipintasan pero, dito sa atin parang isang kasalanang mortal na kung bopol sa Ingles. Mas nakakahiya siguro kung hindi marunong mag-Pilipino.

Tulad nung nanalong Bb. Pilipinas-World na hindi ko naman maintindihan kung bakit hindi na lang nag-Tagalog. Na-express pa sana niya ang sarili ng mabuti. Hay naku!

Yun namang mga organizers ng ganitong beauty contest, bakit ba hindi na lang hikayatin ang mga contestants na magsalita ng Tagalog? At kapag nanalo at ipinadala sa abroad, eh di pabigyan ng interpreter, mapu-promote pa natin ang ating lengwahe.

Show comments