Ibinasura ng Sandiganbayan ang isinumiteng ‘motion for reconsideration’ ni dating Parañaque City Mayor Joey Marquez sa kinakaharap nitong kaso ng katiwalian ukol sa ‘overpriced’ na mga walis tingting.
Ipinalabas kahapon ng 4th Division ng Sandiganbayan ang 65 pahinang desisyon ukol sa P463 libong halaga ng mga walis tingting na binili ng lokal na pamahalaan ng Parañaque buhat taong 1996 hanggang 1998.
Ipinaliwanag ng korte ang tatlong dahilan sa pagbasura sa mosyon. Una, iginiit nito na may matibay na ebidensya na nagdidiin na mayroong ‘splitting contract’ o hiwalay na kontrata sa magkasunod na araw para ipakita na nakasunod ito sa requirement na P150 halaga ng proyekto.
Ikalawa, masyado na rin umanong huli ang pagkuwestiyon ni Marquez o pagdepensa nito sa pamemeke ng kanyang lagda sa kontrata matapos na unang magbaba na ng ‘guilty verdict’ ang Sandiganbayan sa kaso.
Dapat umano ay ginawa ito ni Marquez noong nagsasagawa pa lamang ng preliminary investigation ang Ombudsman at Commission on Audit.
Ikatlo, hindi rin pinayagan ng Sandiganbayan ang argumento ni Marquez na kailangang i-inhibit sa kaso ang chairman ng 4th Division na si Associate Justice Gregory Ong. Iginiit ni Marquez na mayroon umano siyang utang kay Ong at nangangambang maimpluwensyahan ang kaso dahil dito.
Argumento naman ng korte na ‘misrepresentation’ ito dahil ang transaksyon ay nasa pagitan ng misis ni Ong at ng dating asawa ni Marquez na si Vanessa Marquez o mas kilala bilang ang aktres na si Alma Moreno. (Danilo Garcia)