Habang nagkakagulo sa Senado kaugnay sa ZTE scandal at sa pagkakadawit sa isyu ni Jun Lozada, may isang batang nag-uwi ng karangalan sa ‘Pinas mula sa isang malaking singing competition abroad.
Ang 13 yr. old mula sa Las Piñas na si Josh Adornado a.k.a. Joshua Michael Adornado ang tinanghal na grand champion sa katatapos na 6th International Nile Song Festival na ginanap sa Cairo International Convention Center, Cairo Egypt nitong nakaraang February 4.
Nakasentro ang atensyon ng gobyerno sa kaso ng ZTE kaya hindi nalaman ng madlang Pilipino ang pagwawagi ni Josh sa isa sa pinakamalaking singing competition sa buong mundo.
Aba, tinalo ni Josh ang 15 participants mula sa 13 countries na lumahok sa nasabing prestigious singing competition matapos niyang kantahin ang original composition ni Danny Subido na pinamagatang Sundan Ang Pangarap.
Kabado man sa kanyang performance pero hindi nagpadaig si Josh sa kanyang mga kalaban para ibigay ang husay niya sa pag-awit.
Maging ang mga hurado na galing pa sa iba’t ibang panig ng mundo ay hindi napigilan ang pumalakpak sa ilalim ng kanilang mga mesa sa natunghayang kahusayan ni Josh.
Bawal sa sinumang member ng board of judges ang magpakita ng pagkagiliw sa kahit na sinong participant pero pinalakpakan pa rin nila si Josh.
“Actually, hindi ko pa nga po na-rehearse masyado yung contest piece ko kasi po naiwan ng organizer yung kanta ko.
“The next day saka ko lang napraktis.
“Sobra po ang kaba ko. Nagdasal na lang ako habang kumakanta at sinabi ko kay Lord na ito ang gusto ko, bahala na siya kung ano ang gusto niya para sa akin,” kuwento ni Josh.
Hindi naman dapat pagtakhan ang husay ni Josh sa pag-awit dahil nagmana lang ito sa kanyang Mommy Magie Ligan at Daddy Jet Adornado.
Hindi man nabigyan ng pagkakilala o courtesy call ng Malacañang si Josh, binigyan naman siya ng importansya ng kilalang Baron Entertainment, talent discover at owner ng The Library Malate na si Mr. Andrew “Mamu” De Real.
Isang solo show ang prinodyus ni Mamu kay Josh ngayong Huwebes, March 6, 2008 na pinamagatang Josh Live At The Fab na gagawin sa Fab katabi ng The Library na matatagpuan sa Orosa St. Nakpil, Malate Manila City .
“For a 13 yr. old kid at lalake pa, tapos ganun kataas ang boses siyempre, sino ba ang hindi bibilib? (RP)