Jolo parating nakatitig kay Lovi

Nagkita-kita sa burol ng mother ni manay Ethel Ramos ang apat na nagga­gandahang actress na minsang nagkaroon ng isyu dahil sa involvement sa iisang lalake. As expected, nagdedmahan ang apat.

Nagkasabay makiramay ang sexy comedienne at ang actress wife ng actor na na-link sa una at magkalapit pa ang kanilang inupuan. Napansin na lang ng ibang nakiramay na umiwas ang misis ng actor sa sexy comedienne. Tumayo ito sa kinauupuan at kunwari’y may titingnan, pero hindi na bumalik sa dating upuan.

Mas nakakatuwa ang reaction ng dalawa pang actress na naugnay din sa guwapong actor na itatago natin sa mga pangalang Actress X at Actress Y. Dedmahan din ang dalawa at nang pakiusapang magtabi para kunan ng litrato, walang nag-effort kumilos.

Nagbingi-bingihan si Actress X na napangasawa ng guwapong actor, si Actress Y naman ay panay ang ngiwi bilang reaction na ayaw niyang tumabi kay Actress X. In fairness, unang naka-relasyon ni Actress Y ang actor na naging dyowa ni Actress X at kung tutuusin, wala talagang isyu, pero pabayaan na nating mag-moment ang mga Drama Queen ng showbiz.

* * *

Sa suot niyang maluwag sa presscon ng The Half-Blood Samurai, hindi pa masyadong halata ang tatlong buwang ipinag­bubuntis ni Jennylyn Mercado. Kinailangan naming i-touch ang tiyan nito para matapang luma­laki ang bata sa kanyang sinapupunan na kanyang isisilang middle of September.

Hindi pa alam ni Jennylyn ang gender ng kanyang baby, pero kung lalake, isusunod pa rin niya sa pangalan ng daddy ni Patrick Garcia kahit hiwalay na sila. Francisco ang ipapangalan niya sa bata, gaya nang ipinangako at hindi niya ito babawiin.

Sabi ni Jennylyn, never na siyang iiyak at hindi na rin maghahabol kay Patrick. Kung ayaw nitong kilalanin ang bata, bubuhayin niya itong mag-isa at kung gustong makita, hindi niya ipagkakait, pero hindi niya ilalapit. Tanggap na nitong tapos na sila ni Patrick.

After makapanganak, balik-trabaho siya at may naka-line-up na siyang pelikula. In-assure rin siya ng GMA-7 na hindi pababayaan, so, may ipambibili siya ng gatas at diapers para sa kanyang baby.

Samantala, nagpasalamat si Jacky sa pagdating ni Jennylyn sa presscon at matutuwa pa ang director-actor-producer, dahil nangako rin itong dadalo sa premiere night sa March 3 (Monday) sa Cinema 10 ng SM Megamall. Pati mall show sa SM Bicutan sa Mar. 2 ay pupuntahan ni Jennylyn at kailangan niyang mag-promote, dahil Mar. 5 na ito showing.

* * *

Sabay naming in-interview sina Jolo Revilla at Lovi Poe sa presscon ng Kaputol ng Isang Awit at batay sa kanilang body language, mas in-love ang young actor o baka, ayaw lang pahalata ng dalaga.

Laging nakatitig si Jolo kay Lovi habang ini-interview na para bang ayaw niya itong mawala sa kanyang paningin. Sa solo interview nila, sinundan pa rin niya ng tingin ang actress kahit saan magpunta at nang kantahin nina Lovi at Glaiza de Castro ang theme song ng kanilang afternoon soap, very proud itong nakatitig (na naman).

Birthday ni Jolo sa March 12 at ‘secret’ pa ang birthday gift sa kanya ni Lovi. Kung ang young actor lang ang papipiliin, gugustuhin nitong ang matamis na “Oo” ni Lovi ang iregalo nito sa kanya. Ito’y kung hindi pa sila on!

Seloso raw si Jolo at halata ito sa sagot na “Trabaho yun at wala akong magagawa,” nang tanungin kundi ba siya nagseselos sa kissing scene nina Lovi at Marky Cielo.

Show comments