Chin Chin bangag at lasing nang umapir sa show ni Edu

Marami kaming tinanggap na komento tungkol sa pagiging panauhin ni Chin-Chin Gutierrez sa 1 VS. 100 ni OMB Chairman Edu Manzano. Nasilip din namin ang game show, hindi lang namin nakumpleto ang panonood, mas natutukan yun ng aming mga nakausap.

Ang tanong ng ating mga kababayan, ganun daw ba talaga si Chin-Chin sa tunay na buhay, ang ibig sabihin ng mga ito ay kung ganun din ba siyang kumilos kapag walang mga kamerang nakatutok sa kanya?

“Baka kasi ginagawa lang niya ang ganun, baka kasi nagpapatawa lang siya, ganun ba talaga siya in real life?” paulit-ulit na tanong ng aming mga kausap.

Kung hindi kilalang mabuti si Chin-Chin ng makakapanood sa kanya ay iisipin nito na meron siyang ‘something.’ Iba kasi siyang kumilos at magsalita, parang kakaiba siya sa maraming artista, parang mahirap intindihin ang kanyang mga kilos.

Pero kung kilala mo naman ang tunay na Chin-Chin ay hindi ka na magtatanong pa kung bakit siya ganun, kung bakit parang kakaiba siya sa iba, dahil sanay ka na ngang makita si Chin-Chin na ganun ang mga ginagawa.

“Nakakagulat kasi siya, parang lasing siya na bangag na hindi mo maintindihan. Parang iba ang mga ginagawa niya, kaya nga ang tanong ko sa iyo, e, kung ganyan na ba siya talaga?

“Nawiwirduhan kasi ako sa kanya, kung anu-ano ang mga sinasabi niya, pipindutin lang niya yung machine sa harapan niya, parang meron pa siyang ginagawang ritual.

“Kumanta pa siya, isinayaw pa niya si Edu, parang nakakapanibago lang makakita ng artistang ganun ang ginagawa sa ere,” naguguluhang tanong ng aming kausap.

Nasilip namin si Chin-Chin habang parang nagdadrama, parang meron siyang inaaway, pero bahagi lang yun ng pang-iinis niya sa mga kumokontra sa kanyang mga sagot.

Habang pinanonood namin si Chin-Chin, para hindi kami mag-isip ng kung anu-ano ay itinuon na lang namin ang aming isip sa husay niya sa Maging Sino Ka Man, dahil ang galing-galing niya naman talaga sa nasabing serye.

Ang mga kilometrikong linyang binibitiwan niya nang tuhog, ang kanyang pag-arte, namumukod-tangi si Chin-Chin sa tinututukan ng bayan na seryeng yun ng ABS-CBN.

* * *

Nakita namin si Patrick Garcia nung Martes nang hapon sa lobby ng Rembrandt Hotel. Si Jobert Sucaldito ang pinuntahan niya, meron silang gagawing show sa isang malayong probinsiya, kailangan nilang mag-usap para sa nasabing show.

Napakaguwapo ni Patrick, parang bagong paligo lang siya nung dumating, parang walang nagaganap na anumang kontrobersiya sa pagitan nila ni Jennylyn Mercado kung pagmamasdan mo siya.

Hindi naman kasi palasalita ang aktor na ito, kung tutuusin ay yun nga ang kanyang panghatak sa publiko, ang karisma ni Patrick ay nasa kanyang pagiging tahimik.

Biniro nga namin si Jobert na mabuti pa ito at nakikita si Patrick, samantalang ang ina ng kanyang anak ay hindi raw siya nakikita, isang simpleng ngiti lang ang itinugon ng aktor sa aming tukso.

Kay Patrick ay wala kang maririnig, ang mga tao sa paligid niya ang nagtatanggol sa kanya, tulad ng kanyang Mommy Bing na hindi papayag na basta na lang laitin ang anak nito nang walang kalaban-laban.

May punto naman si Patrick, hindi lahat ng nangyayari sa kanilang buhay ni Jennylyn ay kailangang nalalaman ng publiko, kailangang may naiiwanan sa kanila.

Pero kailangan ding maging responsable ni Patrick, nandiyan na yan, sa ayaw at sa gusto niya ay meron siyang kailangang gampanang responsibilidad.

Kailangang ipakita niya na lalaki siya, may paninindigan, huwag na lang muna niyang pinagpapapansin ang kaartehan ng isang babaeng nagdadalantao.

Show comments