Mga alaga ni Boy Abunda ‘parating binabagyo’
Sa isang masinsinang kuwentuhan namin ng kaibigang Boy Abunda ay nasentruhan namin ang mga nagaganap ngayon sa kanyang mga alaga. Si Boy at ang kanyang mga alaga ang laging laman ng mga pahayagan at talk shows ngayon.
Si Boy, dahil sa kanyang Love Life album na ilang tulog na lang ay gold record na, at ang kanyang mga alaga na laging nasasangkot sa mga kontrobersiya, kahit hindi naman sinasadya ng mga ito.
“Alam mo, kapag nagbabasa ako ng mga tabloids, naiisip ko, ano ba ito, alaga ko na naman ang mata ng bagyo! Every week, merong issue tungkol sa kanila, halinhinan lang sila sa pagririgodon, pero talagang sila ang palaging laman ng mga babasahin!” natatawang sabi ng aming kaibigan.
May mga bagay-bagay na diretsong sinasabi sa kanya ng kanyang mga alaga, meron din namang isyung sa ibang tao pa niya nalalaman, kundi man nasusulat na muna.
“Madalas, nagugulat na lang ako dahil meron palang bagong issue, ang bilis kasing kumalat ng kuwento, hindi ko pa nakakausap ang mga alaga ko, nasusulat na.
“Ito ang time na talagang weekly, sila ang headline, ang pinakahuli, yung kay Gretchen (Barretto) na mabuti naman at natapos na rin sa wakas.
“Nanghihinayang kasi ako sa kanilang pagkakaibigan ni Nadia, matagal na panahon na ang kanilang friendship, inaasahan ko na sana’y maiayos din nila ang kanilang mga problema nang silang dalawa lang.
“I always believe na may dahilan ang ating mga aksiyon. In the case of Gretchen, kilala ko ang taong yun, kaya niyang palampasin ang maraming bagay, pero huwag na huwag mong gagalawin ang kanyang credibility.
“Honest kasi siya. Sinasabi niya sa publiko ang kuwento ng kanyang buhay. Nanghihingi siya ng paumanhin kapag nagkakamali siya, pinatatawad naman siya ng bayan, kaya huwag na huwag kukuwestiyunin ang kanyang kredibilidad dahil talagang aaray siya!” pagpapakilala ni Boy Abunda sa kanyang kontrobersiyal na alaga.
Hindi na raw siya darating pa sa mga pagdedetalye, pero alam niya kung saan nagmumula ang galit ni Gretchen, tanggap din ni Boy ang katotohanan na kung gaano kalalim ang pagkakaibigan ay ganundin kalalim ang away.
* * *
Kakaiba ang pagiging manager ni Boy Abunda dahil meron din siyang sariling career na inaalagaan, yun ang dahilan kung bakit kahit nasa sasakyan na siya ay meron pa rin siyang trabaho, dun niya binabasa ang mga kontrata ng kanyang mga alaga na kailangan niyang busisiin at aksiyunan.
“I have no idle time, lahat ng oras, pinahahalagahan ko. Pero hindi ko naman pinagdadamutang mahalin ang sarili ko,” makahulugang sabi ni Boy.
Ang kaligayahan ni Boy ay si Nanay Lising, hindi ang PAG-ASA ang nagsasabi kay Boy kung ano ang tunay na lagay ng panahon, kundi ang sitwasyon ng kanyang ina.
Kapag may dinaramdam si Nanay Lising ay maaasahan mo nang makulimlim ang kanyang araw, pero kapag maayos ang kalusugan ni Nanay Lising, pakiramdam ni Boy ay kaya niyang buhatin ang buong mundo sa kanyang mga balikat.
Sa maraming pagkakataon ay nasukat na namin ang matinding pagmamahal ni Boy sa kanyang ina, sa mga hindi nababantayang oras ay nagtatanungan kaming magkaibigan, paano na kami kapag nawala ang aming nanay?
Yun ang mga oras na pareho kaming parang sanggol na naghahanap ng init ng katawan ng aming nanay, yun ang mga panahong nagbabalik-tanaw kami tungkol sa aming kabataan, nung ang buhay ay payak na payak pa sa aming probinsiya.
Laking-dagat si Boy, laking-bukid naman kami, sa kabila ng pagiging abala namin sa maghapon ay ang sarap-sarap namnamin ng mga panahon na nakakapagkuwentuhan pa kami tungkol sa aming mga personal na buhay.
Iisa lang ang babaeng pinakamahalaga para sa amin ni Boy, si Nanay Lising para sa kanya, at si Nanay Silang naman para sa amin.
Hanggang ngayon, sa kabila ng napakahaba nang kalye ng buhay na binagtas namin ni Boy, kami pa rin ang mga bunsong anak na naghahanap ng amoy ng aming nanay kapag dumarating kami sa bahay.
- Latest