SEEN: Masigasig pa rin si Jennylyn Mercado sa pagpo-promote ng love story nila ni Patrick Garcia. Nasaksihan ng Seen/Scene ang pagpapainterbyu ni Jennylyn sa TGIF restaurant sa Hotel Rembrandt noong Miyerkules. Ang muling pagsasalita ni Jennylyn sa media ang mitsa para tuluyang mawalan ng gana sa kanya ang pamilya ni Patrick.
SCENE: Malupit ang payo kay Nadia Montenegro ng mga tao tungkol sa away nila ni Gretchen Barretto. Huwag magpagamit si Nadia sa promo ng CD album ni Gretchen at gugulin na lamang niya ang panahon sa pag-eehersisyo upang mabawasan ang kanyang timbang.
SEEN: Hindi gusto ng Seen/Scene ang movie poster ng My Big Love. Mapusyaw o tila kupas ang kulay ng poster. Kulang din ito sa art. Parang pinatayo lamang sina Kristine Hermosa, ang pinataba na si Sam Milby at Toni Gonzaga, kinunan ng litrato at presto, may movie poster na ang My Big Love. Malaking bagay ang magandang poster upang lalong makumbinsi ang mga tao na tangkilikin ang pelikula.
SCENE: Box-office hit sa Pilipinas ang Vantage Point. Puno ng audience ang mga sinehan na pinagtatanghalan ng pelikula nina William Hurt, Forest Whitaker at Denniz Quaid. May mga butas ang kuwento ng Vantage Point ngunit hindi iniwanan ng mga tao ang panonood dahil sa mabibilis na eksena.
SEEN: Hindi matutuloy ang paglipat ni Anne Curtis dahil muli itong pipirma ng kontrata sa ABS-CBN. Ang pagkalat ng balita na babalik sa GMA 7 si Anne para maging bida ng isang fantaserye ang naging daan upang awatin ng ABS-CBN ang kanyang paglipat.
SCENE: Si Marian Rivera ang gaganap na Dyesebel sa telebisyon, si Joyce Bernal ang direktor at si Dingdong Dantes ang bidang lalake. Marimar part 2?