Ate Vi nami-miss na ang showbiz

Kung merong detergent soap na iniendorso si Batangas Gov. Vilma Santos, may karagdagan ito dahil siya ngayon ang pinakabagong celebrity endorser ng Ponstan SF na isang kilalang pain killer brand.

Ang grand welcome sa kanilang pinakamalaking product endorser ay ginanap sa Isla Ballroom ng EDSA Shangri-La Hotel nung nakaraang Lunes ng tanghali at kasabay pa mismo sa presscon ng kanyang ex-husband, ang TV host-actor at OMB chairman na si Edu Manzano na endorser din ng isang klase ng food supplement.

Niloko nga namin si Vi na pareho silang in-demand ngayon ng kanyang ex-hubby (Edu) bilang celebrity endorser at humahabol naman ang kanilang binata na si Luis Manzano.

Matagal naming hindi nakita si Vi kaya nag-effort talaga kaming puntahan siya. And we’re glad we did dahil nagkita-kita rin kami nina Mama Santos, ang nakatatandang kapatid ni Vi na si Emelyn at maging ang Friday girl ni Vi na si Ate Aida Fandialan.

Sa kabila ng mas malaking responsibilidad at mga problema na hinaharap ni Vi araw-araw bilang governor ng Batangas, napakaganda  at napaka-young looking pa rin ng misis ni dating Sen. Ralph Recto.

Kung naging maganda ang kanyang performance bilang mayor ng Lipa City sa loob ng tatlong termino o siyam na taon, ganoon din ang kanyang goal sa buong lalawigan ng Batangas.

Magmula nang pasukin ni Vi ang public service, hindi rin siya nakaalis sa matitinding intriga ng pulitika lalupa’t isa ring kilalang political figure ang kanyang mister na si dating senador. Meron pa ngang lumulutang na tatakbo umano siya bilang bise-presidente sa taong 2010 bagay na kanyang pinabulaanan dahil gusto niya munang mag-focus sa kanyang trabaho bilang gobernador ng Batangas.

Inamin ni Vi na miss na niya ang showbiz.

Nang pasukin niya ang pulitika, kailangan niyang isantabi ang kanyang showbiz career dahil meron siyang sinumpaang tungkulin na kailangan niyang tuparin. Pero kapag nagkakaroon naman siya ng pagkakataon ay gumagawa siya ng pelikula paminsan-minsan o di kaya mag-guest sa telebisyon.

* * *

Tuwang-tuwa si Jolina Magdangal nang siya’y mapisil na isa sa tatlong hurado ng Pinoy Idol na magsisimula sa buwan ng Abril kung saan niya makakasama ang kilalang singer-composer at TV host-comedian na si Ogie Alcasid at ang respetadong talent manager na si Wyngard Tracy.

Sa Philippine version, sila ang magiging local counterpart nina Simon Cowell, Paula Abdul at Randy Jackson. Si Raymond Gutierrez naman ang magiging host.

Bukod sa pagiging isa sa tatlong hurado ng PI na local franchise program ng American Idol, si Jolina ay regular ding napapanood sa daily morning program ng GMA-7, ang Unang Hirit, sa weekly musical show na SOP at maging sa The Working President, isang lingguhang news magazine TV program ng Pangulo ng Pilipinas.  Ang mga ito ay labas pa sa kanyang pagiging recording at concert artist at pagiging isang aktres. Meron din siyang sisimulang isang drama show at pelikulang pagtatambalan nila ni Gabby Concepcion na sa Amerika na naka-base.

* * *

E-mail:  a_amoyo@pimsi.net

Show comments