KC mas magaling pang umarte kay Sharon
Mabigat ang responsibilidad namin nung Biyernes nang gabi, kailangan naming tutukan ang Maalaala Mo Kaya para mapatunayan sa aming sarili kung aktres na nga ba si KC Concepcion, pero kailangang hindi rin namin pakawalan ang Kitty Girls na kinuha ng aming anak at manugang para sa isang post-Valentine concert sa Metro Bar.
Pareho naming napagtagumpayan ang gabing yun dahil una, napatunayan namin na direkta at may konbiksiyon pala nating matatawag na aktres si KC Concepcion, sa kanyang unang pagsalang sa madadramang tagpo sa MMK ay hindi namin nakita kahit ang anino lang ng pagiging baguhan sa kanya.
At tabi-tabi sa kanyang inang si Sharon Cuneta, mas magaling na aktres si KC kesa dito nung nagsisimula pa lang gumanap ang megastar, nagsasabi lang kami ng totoo.
Ang pagganap ni KC sa MMK ay siguradong nagbigay ng positibong ideya sa ABS-CBN para pagkatiwalaan na ng sariling drama anthology ang dalaga, hindi nakakahiyang gastusan ang dalagang ito, totoong-totoo ang kasabihan na madaling husgahan kung meron o walang talento ang isang baguhan.
Napakanatural umarte ni KC, tama ang mga papuri sa kanya ni Direk Jerry Sineneng, nakahukay na naman ng mina ng ginto ang industriya ng pelikula at telebisyon kay KC Concepcion.
Hindi kalimot-limot ang ipinakita niyang pag-arte nung mamatay na ang kanyang ama (si Ricky Davao ang gumanap), madaling umiyak, pero mahirap umiyak na magiging kapani-paniwala ang emosyon na itinatawid mo sa publiko.
Pinaluha ni KC ang buong bayan sa eksenang yun, mararamdaman mo na lang na nakasalin na sa iyo ang nararamdaman niya, lalo na dun sa mga eksenang kinakaya niyang yakapin ang hindi niya nakasanayang kahirapan pero kailangan niyang tanggapin ang biglaang paghihirap ng kanyang pamilya.
Kundi aktres ang salitang maikakabit namin ngayon kay KC dahil sa aming napanood ay hindi na namin alam kung ano. Kapansin-pansin din na habang pinanonood mo siya ay bumabalik-balik sa isip mo ang eksaktong itsura ng kanyang amang si Gabby Concepcion.
* * *
Isa pang rebelasyon para sa amin ay ang Kitty Girls. Aaminin namin ang totoo na nung napapanood lang namin sila sa ASAP ’08 at Wowowee, ang buong akala namin ay yun na lang ang kaya nilang ipakita sa publiko.
Ang pagsasayaw at pagkanta sa paraang parang hinahalina nila ang mga kalalakihan, ang pagsusuot ng mga seksing damit para matawag nila ang pansin ng publiko, pero maling-mali pala kami.
Kailangan muna talaga nating matutukan ang isang talento para makilatis natin ang kanyang kakayahan, at sa aspetong yun ay maipagmamalaki ni Joji Dingcong ang naggagandahan at nagseseksihan nitong mga alaga na sina Ayanna, Jocelyn, Veronica, Nicole at Tanya ng Kitty Girls.
Yun ang gabing hindi mo maiisip ang paghihikab dahil sa buhay na buhay nilang performance, hindi lang sila basta nakakakanta, magaganda talaga ang boses nila.
Sabay-sabay silang gumalaw, walang nagkakabugan sa kanila, bawat isa sa kanila ay nagbigay ng panahon para sa kanyang kasama. Itinaas ng Kitty Girls ang lebel ng mga all-female group, hindi lang basta pang-eengganyo sa mga lalaking audience ang kanilang alam, pati mga babae ay masisiyahan sa kanilang performance.
May halong dugong banyaga ang mga miyembro ng grupo pero Pinoy na Pinoy ang kanilang ugali, hawak nila ang susi para kilitiin ang kanilang audience, hindi sila nakaiinip at nakakaantok na panoorin.
Sana’y maraming kababayan pa natin ang mabigyan ng pagkakataong mapanood ang Kitty Girls, sayang ang kanilang talento at kagandahan kung itatago lang yun sa kahon, umuwing masayang-masaya ang kanilang mga tagasuporta dahil hindi bitin ang kanilang palabas.
Pagkatapos ng concert ay bumaba sila sa kinaroroonan namin, pinagbigyan nila ang mga kababayan nating sinamantala ang pagkakataon para makasama sila sa photo opportunity, maraming salamat talaga kay Joji Dingcong.
- Latest