Senate hearings ni Lozada patok  sa TV ratings!

Nagpainterbyu sa Showbiz Central ang mag-asawang David at Jessica Bunevacz.

Tungkol pa rin sa kaso nila sa Beverly Hills 6750 ang topic ng interbyu ni Lhar Santiago na kasalukuyang nasa Amerika.

Hindi raw makauwi sa Pilipinas ang pamilya nina David at Jessica dahil sa mga death threats na nata­tanggap nila. Ganoon ba kagrabe ang prob­lema sa Beverly Hills kaya umabot sa death threats ang sitwasyon.

Napanood ko na sa 24 Oras ang panig ng mga business partner ni David na nagdemanda laban sa kanya kaya ang side naman ni David ang panonoorin ko sa Showbiz Central.

* * *

Hindi ko napanood ang pag-apir ni KC Concep­cion sa Maalaala Mo Kaya dahil late na ito nang mag-umpisa noong Biyernes.

Narinig ko na lang kahapon ang mga kuwen­tu­han na magaling umarte si KC dahil bongga ang kanyang performance, lalo na sa katulad niya na first time na magdrama.

Ikinumpara nga sa akting ng isang aktres ang performance ni KC. Di-hamak na mas mahusay raw si KC kesa sa young actress na hindi ko na sa­sa­bihin ang name para hindi ako mapag­bin­tangan na nang-iintriga.

Si KC daw ang bagong reyna ng ABS-CBN at hindi ang young actress. Maraming young actress sa bakuran ng Kapamilya network. Bahala na kayong mag-isip kung sino siya.

May kutob ako na magkakaroon ng replay ang guesting ni KC sa MMK dahil marami ang hindi nakapanood porke maaga silang natulog. Saan kaya mapapanood ang replay? Sa Cinema One na nag-replay din noon ng TV special ni KC o sa ABS-CBN din pero sa afternoon timeslot para mas marami ang makapanood?

* * *

Walang pasok kahapon sa opisina ng AGB-Nielsen kaya bukas pa malalaman ang resulta ng TV ratings noong Biyernes, Sabado at Linggo. Mahaba-haba ang resulta ng ratings na mababasa ninyo sa Martes.

Tiyak na mag-e-emote na naman ang readers na hate na hate ang ginagawa kong pagpa-publish sa resulta ng TV ratings.

Kung hate ninyo ang TV ratings, eh di huwag ninyong basahin. Kasi naman, bayolente ang reak­syon ng ilang readers pero basa pa rin nang basa. Sino ang tino-torture ninyo? Eh di ang mga sarili n’yo rin!

Sa mga hindi naniniwala sa ratings, hindi ko kayo pinipilit. At kung inaakala ninyo na affected ako sa mga below-the-belt na komento ninyo, kayo ang may problema dahil ang mga sarili n’yo ang inyong iniinis.

Ipinakikita n’yo lang sa akin ang uri ng inyong pagkatao base sa mga salitang ginagamit ninyo. Hindi ako nagtataray ‘ha? Sinasabi ko lang ang katotohanan.

* * *

May imbestiga­syon uli bukas ang Senado tungkol sa ZTE scandal at haharap uli sa mga senador si Jun Lozada na instant celebrity na.

Alam ko na ang scenario bukas. Nakatutok ang lahat sa live coverage ng Senate investigation sa radyo at ANC.

Napa-smile nga ako sa opinyon ng isang political writer na nag-apologize sa GMA 7 dahil siguradong ang ANC daw ang nakakuha ng pinakamataas na rating noong nakaraang Lunes dahil sa face-off sa senado ni Lozada at ng mga government official.

May katotohanan ang siney-sey ng political writer dahil ang pag-apir ni Lozada sa senado ang hottest news of the week at sa mga susunod pa na mga araw.

Show comments