Sa presscon ng My Bestfriend’s Girlfriend ay tinanong si Marian Rivera kung paano niya ikukumpara si Richard Gutierrez kay Dingdong Dantes na kapareha naman niya sa Marimar.
“Mahirap silang i-compare. Kung masaya ako kay Dingdong, masarap ding katrabaho si Richard. Nagpaalam nga ako kay Dingdong nang ibigay sa akin ang project. Sabi niya, masaya siya kahit di siya ang kapartner ko,” anang aktres.
Maganda ang working relationship nina Marian at Richard at nang tanugnin ang aktres kung sino ang gusto niyang maging Valentine’s date ay wala itong gatol na sumagot na si Richard ang gusto niyang makasama sa Araw ng mga Puso.
Kahit mga aktor ay pinapantasya rin ang dalawang pinaka-seksing aktres sa kasalukuyan. Nang tanungin si JC Nigado na kasama rin sa My Bestfriend’s Girlfriend kung sino ang gusto niyang makasama sa Valentine’s Day ay pinili niya si Cristine Reyes at si Katrina Halili naman para kay Paolo Paraiso kung saan gusto niya itong makasama sa bundok para raw mas romantiko.
* * *
Kung kami siguro si Karylle ay di namin matatagalang panoorin ang bedscene nina Dingdong at Marian noong Lunes sa Marimar. Bigay na bigay ang romansa ng dalawa.
* * *
May nagkuwento sa amin tungkol sa anak ng sikat na aktres na gusto ring mag-artista kaya lang nuknukan ng yabang.
One time ay nagpunta ito sa isang giant network para sumali sa reality show. Ayaw niyang pumila (kahit baguhan pa lang) gayung ang ibang kamag-anak ng mga sikat na artista ay pumipila para sa interbyu. Nag-mention pa ito ng pangalan ng isang executive ng network at pinangangalandakan na malakas siya rito kaya hindi na kailangang pang pumila.
Nakakahiya siya dahil ipapahamak pa ang executive. Dapat sa ganitong gustong mag-artista ay nagbibigay din ng payo ang inang aktres o ang pamilya nito na galing din sa angkan ng mga artista.
Nasa kanya nang lahat ang katangian ng isang artista-guwapo, matangkad, matalino at puwedeng-puwedeng maging artista. Yun nga lang, mayabang na kaya na turn-off ang ibang kasamahan sa hanapbuhay.