Ang dami-dami naming tinatanggap na tanong ngayon mula sa mga kaibigan naming parang mga buto ng monggo na isinabog sa iba’t ibang dako ng mundo, boses daw ba namin yung ginagamit sa karakter ng pusa sa Kung Fu Kids, napapanood na raw kasi nila ngayon ang teaser ng pambatang programa ng ABS-CBN sa iba’t ibang bansa kung saan sila naroon.
“Hindi ako puwedeng magkamali, boses mo yun, Cristinelli, ikaw talaga yun!” mensahe sa amin ni Vangie Caperal-Aleemi, kaklase namin sa kolehiyo, na matagal nang naninirahan sa Virginia, USA.
Ang mga pamangkin namin sa San Jose, California ay kinukulit din kami, “Hindi kami puwedeng iligaw, tita, ikaw yun! Sana, meron na rin kaming Kung Fu Kids dito,” sabi ni Rene de Leon.
At marami pang ibang mensahe mula sa mga kamag-anak at kaibigan namin mula sa Amerika, Australia, Canada at Europe, kumpirmasyon ang kanilang hinihingi, kami raw ba si Maneki Neko ng Kung Fu Kids?
Si Enrico Santos ang pangkalahatang tagapangasiwa ng Kung Fu Kids, si Direk Malu Sevilla ang nagdidirek nito, at ang paborito naman naming si Jairus Aquino ang bida sa pambatang tele-serye.
Nung sabihan kami ng kaibigang Jess Osida, talent coordinator ng programa na lalapitan kami ng isang staff ng serye tungkol sa paggamit ng aming boses sa karakter ng pusa, ay nakaramdam kami ng kakaibang tuwa.
Bago kasi yun para sa amin, sinusuportahan namin ang mga dubbers, isang malaking karangalan para sa amin ang mapiling maging conscience voice sa naturang serye.
Malapit sa puso namin si Jairus Aquino, sa nakaraan nilang serye ni Makisig Morales (Super Inggo) ay siya ang nagpaiyak sa amin habang nanonood ng kanilang serye, ang simple-simple lang ng eksenang kumabog sa aming puso.
Nagsisimula nang madiskubre noon ni Makisig na may kapangyarihan itong makalipad, kaya sa isang eksena ay sinabi sa kanya ni Jomar (Jairus), “Sana nga, totoong nakakalipad ka. Sana, pumunta ka sa Hong Kong, hanapin mo dun ang mommy ko, sabihin mo sa kanya, miss na miss ko na siya.”
Ang mga mata pa naman ng batang ito ay nangungusap, parang nagmamakaawa at nakikiusap, nakita na lang namin ang aming sarili noon na iyak nang iyak habang nanonood.
Si Richard Arellano ang naging voice coach namin sa dubbing, ang makabuluhang script ni Wally Ching ang aming sinusundan, si Master Kung na ginagampanan ni Sid Lucero ang palagi naming kaeksena sa serye.
Isang linggo pa lang ngayon na ipinalalabas ang Kung Fu Kids, pero kahit saan kami magpunta ngayon ay Maneki na ang tawag sa amin, kapag nakakakita ng pusa sa kalye si Elena dela Vega ay sasabihin na agad sa amin nito, “Nanay, may alagad ka sa kalsada!”
At ang nakatutuwa pa, aliw na aliw ang aming mga apo kapag naririnig nila ang aming boses, “Mama Tektek, paano po kayo nagiging pusa?” ang madalas na tanong sa amin nina Chamie at Scud.
At bilang patotoo kung gaano kaepektibo ang pagboboses namin sa Kung Fu Kids ay ang batang si Bulak na nagmula sa aming puso at hindi sa aming sinapupunan, kapag naririnig nito ang boses ni Maneki ay agad na itong magbibigay ng reaksiyon, “Mama!”
Maraming salamat sa buong pamunuan ng Kung Fu Kids sa pagpapapasok sa amin sa isang mundong dati’y pinanonood-pinakikinggan lang namin, salamat sa bagong karanasan, salamat sa tiwala at pag-alalay.
* * *
Ngayong hapon sa The Buzz ay bibigyang-linaw na ni Patrick Garcia ang mga isyung nag-uugnay tungkol sa pagkakalabuan nila ng nagdadalantaong si Jennylyn Mercado.
Totoo nga bang hindi na niya dinadalaw ang karelasyon niyang buntis, totoo rin bang naiirita na siya sa pakikialam sa kanila ni Mommy Lydia, totoo rin bang hindi na niya dinadalaw o kahit tine-text man lang si Jennylyn?
At totoo bang pinagdududahan niya kung siya nga ang ama ng dinadala ngayon ni Jennylyn? Ang lahat ng kasagutan sa tanong ng bayan ay matutunghayan na ngayong hapon, sa The Buzz, alas kuwatro nang hapon sa ABS-CBN.