^

PSN Showbiz

Hiling ng nanay maging Senador si Boy Abunda

SHOWBIZ MISMO - Cristy Fermin -

Napakinggan na namin ang kabuuang nilalaman ng Love Life album ng mahal naming kaibigang si Boy Abunda. Ito ay isang album na hindi lang puro musika ang laman, masarap pakinggan ang mga pakikipagkuwentuhan ni Boy sa mga artista at singers na malapit sa kanyang puso, nakakatawang-nakakaiyak ang buod ng mga kuwento sa album na ito.

Meron silang kuwentuhan ni Makisig Morales, crushes ang pinag-usapan nila, paano nga ba nararamdaman ng isang bata na meron siyang crush sa isang kapwa bata?

Nandun din ang mahaba nilang kuwentuhan ni AiAi delas Alas, kung saan-saan sumuot ang kanilang usapan, sinabi ni AiAi na nung bata pa ito ay naliligalig ang kanyang isip dahil ampon lang ang Comedy Concert Queen.

Narinig ko na yan, sabi naman ni Boy, dahil ang aking ama ay anak din sa labas. Pero hindi tayo dapat nagpapaapekto sa mga sinasabi ng ibang tao, kung ano ang gusto natin at kung ano ang makapagpapaligaya sa atin, yun ang dapat nating panindigan.

Ikinuwento rin ni Boy na bago siya napalaot sa mundo ng lokal na aliwan ay kung ano-anong trabaho muna ang pinasok niya, nandiyang nagbenta siya ng encyclopedia, nandung nag-waiter siya, hanggang sa matagpuan niya ang mundong idinesenyo para sa kanya, ang telebisyon.

Sinabi rin ni Boy Abunda na hindi dapat pinagtatawanan ang mga Bisaya at ang mga bading, “Napakasakit kasing pakinggan na dahil hindi ka ganun kagaling magsalita, sasabihan ka na ng, ‘Ay, Bisaya! Bisaya!’

“Kapag bading ka, parang ang liit-liit ng tingin sa iyo na para bang malaking krimen na ang nagawa mo. Hindi krimen ang pagiging bading at ang pagiging Bisaya!” madiing sabi ni Boy sa kuwentuhan nila ni AiAi.

Pero sa lahat ng kuwentuhan sa nasabing album ay pinakamarkado para sa amin ang kuwentuhan nila ni Nanay Lising, ang kanyang ina, ang taong nagpa­paikot ng buong buhay ni Boy Abunda.

* * *

Habang pinakikinggan namin ang kuwentuhan nila ni Nanay Lising ay napa­paluha kami, napakakaswal kasi ng kanilang pag-uusap, “Nanay, bakit mo ako mahal?” tanong ni Boy sa kanyang ina.

Sinserong sinabi ni Nanay Lising na kasi’y mabuti siyang anak, kasi’y mabuti siyang tao, kasi’y mapagmahal siya sa magulang. Sinundan yun ni Boy ng isa pang tanong, “Nanay, ano naman ako sa iyo?”

“Ang kadaldalan,” mabilis na sagot ni Nanay Lising, “E, ano naman ang namana mo sa akin?” Mabilis uli ang sagot ng nanay ni Boy, “Pera!”

May dunggol sa puso ang payo sa kanya ni Nanay Lising na maghinay-hinay siya sa pagtatrabaho dahil iisa lang naman ang ating buhay, sinabi rin ni Nanay Lising kung ano ang pangarap nito para sa kanyang anak na maging isang araw, gusto ni Nanay Lising na pumasok siya sa pulitika dahil malaki ang tiwala nito na maraming magagawa si Boy sa lipunan.

Ang pangarap ni Nanay Lising ay maging senador si Boy Abunda, kapag nangyari yun sabi ni Nanay Lising, wala na itong mahihiling pa.

* * *

Ang bawat kuwentuhan sa album ay may kakambal na awitin, angkop ang kanta sa naging ikot ng usapan, merong piyesa dun sina Martin Nievera, Erik Santos, Aiza Seguerra, Charice Pempengco at marami pang iba at si Boy Abunda mismo ay meron ding kanta.

Ang album na yun ay naisingit pa ring gawin ni Boy sa kabila ng kanyang napakahigpit na schedule sa araw-araw, walang sinasayang na oras ang magaling na TV host, hanggang sa kanyang van ay nagba­basa siya ng mga kon­trata ng kanyang mga alagang artista at singers habang bumibi­yahe siya.

Totoo naman kasing ang oras na nasayang ay parang tubig na dumaan sa ating mga paa sa ilog na hindi na muling babalik pa. Ang disiplina ni Boy ay kasalu-saludo, marami na kaming nakitang propesyonal na tao sa mundong ito, pero ka­tangi-tangi ang disiplina at pagmamahal ni Boy Abunda sa kanyang trabaho.

Kaya naman heto na siya ngayon, siya ang mayhawak ng trono bilang pinakamahusay na TV host ng lokal na aliwan, masagana ang kanyang buhay at mali­gaya rin ang kanyang puso.

“Learn to love your life,” habilin ni Boy Abun­da sa kanyang mga tagasuporta.

BOY

BOY ABUNDA

KANYANG

NANAY

NANAY LISING

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with