‘Hindi ako magpapanggap na aping-api’

Ikinuwento ko sa inyo kahapon ang pagsali namin nina Lorna Tolentino at Ricky Lo sa Whammy: Push Your Luck at ang aming kasunduan na kung sino man ang mag-win, paghahatian naming tatlo ang cash prize.

Alam n’yo ba kung sino ang nanalo? Ako! In fairness to me, legal, legitimate at walang scam ang panalo ko ‘noh!

At dahil ako ang nag-win, nag-iisip ako kung hahatian ko pa sa premyo sina LT at Ricky. What do you think?

Siyempre, hahatian ko sila ‘noh!  Hindi ko naman sisirain ang aming friendship nang dahil sa datung. Naloka lang talaga kami dahil nabuhusan kami ng sari-saring klase ng liquid nang mag-join kami sa Whammy: Push Your Luck.

* * *

Sa umpisa ng show, tinanong kami nina Paolo Bediones at Rufa Mae Quinto kung bakit type namin na manalo.

Isa lang ang sagot ko, kailangan ko ng pera para pambayad sa lawyer ko! Sunud-sunod ang tawag sa cellphone na natanggap ko noong Huwebes dahil tinatanong nila ako sa reaksyon ko sa mga nangyari sa hearing.

Panoorin n’yo na lang ang Startalk ngayong hapon. Promise, sasabihin ko ang lahat-lahat ng nararam­daman ko. Hindi ako magpapa-sweet at lalong hindi ako magpapanggap na aping-api dahil hindi raw bagay sa personality ko ang inaapi.

* * *

Ayaw ng mga baklita na maniwala na magka­klase noon sa FEU sina Vernie Varga at AiAi delas Alas.

Paano raw mangyayari ‘yon eh kaga-graduate pa lang ni AiAi ng high school noong 1981 at college student na noon si Vernie?

O di ba, iniintriga pati sina Vernie at Ai-Ai na mag­kasama pa naman sa Valentine concert na ipo-produce ni Annabelle Rama?

Madaling ma-solve ang issue. Ilabas ang mga birth certificate nina AiAi at Vernie para magkaalaman kung magkaedad sila o kung sino sa kanila ang mas matanda!

* * *

Parang showbiz blind item ang headline kahapon ng PSN na isang newshen o lady reporter ang tumu­long kay Marine Captain Nicanor Faeldon para makatakas ito noong nagkakagulo sa Manila  Peninsula.

Parang showbiz blind item dahil hindi sinabi ng mga pulis ang name ng veteran lady reporter.

Siyempre, naintriga ako kung sino sa mga lady reporter ang kanilang tinutukoy. Sikat ba siya? Nagtatrabaho ba siya sa diyaryo o reporter siya ng sikat na TV network.

Umiiral ang pagiging reporter ko. Kailangang malaman ko ang identity ng lady reporter na pinagbibintangan na tumulong kay Faeldon at sure ako na madali kong madidiskubre ang kanyang identity dahil gaya sa showbiz, walang lihim na hindi nabubunyag sa mga police reporter.

Show comments