Sinampahan ng kasong estafa ng isang negosyante sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktres na si Francine Prieto at ang ina nito matapos na umano’y mabigong magbayad ng kinuhang alahas sa una.
Si Ana Marie Falcon o mas kilala sa screen name na Francine Prieto at ina nitong si Amelia Falcon ay inireklamo ng negosyanteng si Barbara Tolentino, 31, may-ari ng BIF Fine Jewelry ng 116 Doctor Alejo St. Sta. Ana Maynila.
Sa reklamo ni Tolentino kay HA Arnel Dalumpines, hepe ng Special task Force (STF) ng NBI, kumuha umano ng isang set ng jewelries si Amelia sa kanya na umabot sa halagang P150,000 noon pang Mayo 2007 samantalang namili rin umano si Francine ng mga alahas na kinabibilangan ng hikaw, singsing at mga bracelet na siya rin umano ang gumagamit.
Subalit nang singilin na raw ni Tolentino ang mag-ina ay nag-isyu sila ng 14 piraso ng post dated check pero tumalbog lahat ito.
Pinadalhan ng subpoena ang mag-ina subalit kahapon, tanging ang abugado ng mag-ina na si Atty. Romel Oliva lamang ang nagtungo sa tanggapan ni Dalumpines at nangakong babayaran nila ito sa loob ng isang linggo. (Gemma Amargo-Garcia)