Una naming narinig ang report tungkol sa kuwestiyonableng Ferrari na minamaneho ni Willie Revillame sa DZMM, si Anthony Taberna ang nag-report ng balita, ayon sa report ay hinahabol ng PASG ang magarang sasakyan dahil hindi binayaran ang kaukulang buwis ng nasabing kotse.
Pero malinaw rin ang sinasabi sa report, hindi nakapangalan kay Willie ang sasakyan, hindi siya ang may-ari ng sasakyan, kaya wala siyang pananagutan sa Bureau of Customs kung dinaya man ang tax ng kotse.
Hindi lang naman kay Willie nangyayari ang pagdadala ng magagarang sasakyan ng mga ahente, kahit ang ibang artista ay pinakikitaan din ng mga ito, nagkataon lang na si Willie ang nagte-test drive ngayon ng pulang Ferrari na ibinebenta sa kanya.
Mula Lunes hanggang Sabado, sa tagilirang bahagi ng studio ng Wowowee, ay akala mo laging may car show. Maraming magagarang sasakyan na nakaparada dun, may Chedeng, Volvo, Caveen, Hummer, Ferrari, Jaguar, GMC Savana, Mark III at kung anu-ano pang brand ng sasakyan.
Maraming ahente kasi ang nakakaalam na sasakyan ang hilig ni Willie, hindi mo siya kakikitaan ng magagandang alahas, pero de-klase ang kanyang mga sasakyan.
’Yung kuwestiyonableng Ferrari ngayon, ilang araw nang ipinagkakatiwala sa kanya ’yun ng may-ari, ipinamamaneho sa kanya para makita niya ang kundisyon ng kotse.
Pero hindi pa kanya ’yun, na pinatutunayan naman ng mga dokumentong nakita ng mga taga-PASG, nagkataon lang na sa kanya ’yun nakita ng mga otoridad kaya siya na naman ang naka-headline ngayon sa mga pahayagan.
Kung meron mang mananagot sa hindi binayarang buwis ng kotse ay hindi si Willie ’yun, ibinebenta pa lang sa kanya ang sasakyan, hindi pa niya ’yun binibili at wala siyang planong bumili ng ganun kamahal na kotse sa mga panahong ito.
* * *
Tuwang-tuwa si Claire dela Fuente nung tumawag sa amin, may karapatan siyang maging maligaya, dahil darating sa bansa si Richard Carpenter para sa launching ng kanyang bagong album.
Sa darating na February 17-18 ang paglulunsad sa bago niyang album sa Viva Records na ang carrier single ay ang Something In Your Eyes na personal na ipinagkatiwala sa kanya ng kapatid ng namayapang si Karen Carpenter na sinasabing kaboses ni Claire.
Napakahaba ng kanyang kuwento, hindi alam ni Claire kung paano niya sisimulan ang pagkukuwento tungkol sa una nilang paghaharap nang personal ng international singer na idolo niya, naganap ’yun sa mismong tahanan ni Richard sa North Ranch Club, Thousand Oaks, Los Angeles, California.
Magkahalong saya at kaba ang naramdaman ni Claire, hindi niya alam kung paano niya haharapin si Richard Carpenter, parang hindi raw totoo ang lahat pero totoong-totoo na ang kanyang nakikita.
Sabi ni Claire, “I remember when I received the news that I’m going to see him sa house niya, muntik na akong himatayin! Pumayag siya to listen to the song na ini-record ko and I remember him saying before we left and when I said, ‘Can I hug you?’ Ang sabi niya, “Oh, yes! After that wonderful things you did to my song!’ Tapos, niyakap na niya ako, para talaga akong hihimatayin,” kuwento ni Claire.
Sa launching ng kanyang album ay personal siyang sasamahan ni Richard Carpenter, magkakaroon sila ng production number sa ASAP, pati na sa mismong paglulunsad ng kanyang album sa Mall of Asia.
“Hindi ko inaasahan ito, pero totoo palang dreams do come true! Napakaganda ng inihanda naming album ng Viva, ang recording nito sa LA ko binuo.
“Ang mga musicians na ibinigay nila sa akin, grabe, hindi ko akalaing makakatrabaho ko sila. Pianist ni Barbara Streisand ang umakumpanya sa akin, drummer ni Michael Jackson, acoustic guitar player na laging katrabaho ni Josh Groban, pati ang musicians ni Madonna, nakatrabaho ko.
“Hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat-lahat, pero naganap na, tapos ko na ang album, mixing will be in Italy, Something In Your Eyes talaga ang carrier single bilang tribute ko kay Richard Carpenter,” masayang-masayang kuwento pa ni Claire dela Fuente.