Seen: Over-kill! Over-kill ang maya’t maya at paulit-ulit na announcement ng GMA 7 na idedemanda nila ng libel ang ABS-CBN dahil sa bintang nito na nagmanipula sila ng TV ratings. Huwag nang hintayin ng management ng GMA 7 na maumay o masawa ang publiko sa kanilang paulit-ulit na announcement. Magdemanda na sila. Gawin ito sa gawa, huwag sa salita.
Scene: Hindi interesado ang mga tao sa balita na muntik nang maghiwalay ang mag-asawang Rochelle Barrameda at Jimwell Stevens.
Karapatan nina Jimwell at Rochelle na linawin ang isyu at magpainterbyu sa mga talk show pero hindi na dapat nilang isinama ang kanilang dalawang anak gaya nang ginawa nila sa Startalk noong Sabado. Sensitibo ang mga isyu ng hiwalayan, hindi dapat idinadamay ang mga bata na walang malay at maaaring maging tampulan ng tukso ng mga schoolmate na nakapanood sa kanilang ‘family TV guesting.’
Seen: Masyadong mahaba ang running-time ng Bahay-Kubo. Nasaksihan ng PSG ( Pilipino Star Gossip Group) ang pag-alis ng audience sa kalagitnaan ng pelikula.
Tinapos ng PSG ang pelikula. Natawa sila sa ending dahil biglang naging musical ang Bahay-Kubo. Sumayaw at kumanta ang buong cast. Ang kanilang kanta? Bahay-Kubo! May iba pa ba?
Scene: Nakuha ni Dennis Trillo ang simpatiya ng Seen/Scene. Ramdam na ramdam ng PSG ang sakit ng kalooban ni Dennis dahil hindi raw totoo ang mga paratang ni Carlene Aguilar na hindi siya nagpadala ng Christmas gift sa kanilang lovechild. Hindi rin daw niya dinadalaw si Calix Andreas.
Nakakaawa ang sitwasyon ni Dennis. Hindi niya alam kung saan lulugar. Walang ibang dapat sisihin kundi ang kanyang sarili. Limang taon ang itinagal ng relasyon nila ni Carlene.Imposibleng hindi nakilala ni Dennis ang tunay na ugali ni Carlene, ang pagiging mapaghiganti nito sa mga tao na inaakala niya na nanloko o nanlamang sa kanya.
Seen: Kulang sa X Factor ang mga miyembro ng The Studs. Kailangan ng extra effort upang makuha nila ang atensyon ng publiko. Miyembro ng The Studs ang Starstruck 2 winner na si Mike Tan. Hindi nagtagumpay si Mike bilang solo star. Uminit pa kaya ang career niya ngayong miyembro siya ng singing group na hindi outsanding ang mga boses sa pagkanta?
Nagpaalam si Kevin Santos bilang member ng The Studs. Ang busy schedule ang rason ni Kevin. May tanong ang PSG. Kevin who?
Scene: Matamlay, payat at haggard ang mukha ni Mark Herras sa mga eksena niya sa Bahay-Kubo. Ito ang resulta ng sunod-sunod na trabaho niya.
Pahinga ang kailangan ni Mark para maawat ang maagang pagtanda ng kanyang itsura. At upang matigil na ang mga tsismis na bisyo ang dahilan ng kanyang patuloy na pangangayayat.