Hindi pa nagtatambal sa TV o sa pelikula sina Regine Velasquez at Cesar Montano, pero sa animation movie na Urduja ng APT Films, ang mga boses nila ang magka-love team. Ang Asia’s Songbird ang magbo-voice over kay Urduja at ang actor ang magbo-boses kay Limhong, ang leading man ni Urduja.
Maririnig din ang mga boses nina Johnny Delgado, Jay Manalo, Michael V., Allan K., Ruby Rodriguez at Eddie Garcia sa first full-length animated local film. Napapanood na ang teaser nito sa Metro Manila Film Festival, pero middle of 2008 pa ang playdate.
Dream project ito ni Mr. Tony Tuviera, kaya ginastusan ng husto at hindi ito nagpahuli sa ganda sa napapanood nating foreign animated films. Hahangaan ng moviegoers ang husay ng Pinoy animators sa kanilang ginawa sa Urduja.
* * *
Gustong sabunutan ng isang reporter ang female bagets na gustong mag-artista sa sinabing hindi siya plastic, kaya nahihirapan siyang makibagay sa showbiz. Bata pa raw ang newbie na ito’y nuknukan na nang kaplastikan.
Ikinuwento ng aming colleague ang bad experience niya sa bagets na bata pa’y, lumalabas na sa telebisyon at pelikula. Minsa’y nag-abot sila sa office ng isang film company at dahil kilala niya ang kasama nito that time, lumapit siya. Inutusan ng kasama ang noo’y bata pang talent na bumeso sa reporter na ginawa naman.
Bumeso nga ang bata, pero besong puno ng kaplastikan, dahil hindi lumapat ang pisngi nito sa pisngi ng reporter at saka ngumiti nang buong kaplastikan din. Mula noon, tuwing makikita ng reporter ang talent, iniiwasan na niya at kahit may isyu, never niya itong ini-interview.
* * *
May magandang balita si Christopher de Leon sa mga nangungumusta sa asawang si Sandy Andolong. Sabi nito: “She’s okay! Hindi na niya kailangan ang kidney transplant…not yet and she’ll not undergo dialysis. Mababa lang ang count ng creatin, but she’s okay.”
Samantala, marami na ang naghihintay na mapanood ang Banal na dahil sa ganda ng pelikula’y, pumayag maging supporting nina Alfred Vargas, Paolo Paraiso at Paolo Contis si Boyet. Ikinumpara niya ang role ni Major Miguel Sagala sa role ng general sa Full Metal Jacket. Sa January 1, 2008 pa ang showing nito, ilang araw na lang ang ipaghihintay ninyo.
Pinaaabangan nito ang eksenang dinalaw siya ng tatlo nu’ng wala na siya sa force, dahil madrama kahit walang iyakan. Ikinuwento nito kung paano tumakbo ang eksena, pero bawal isulat para abangan ninyo.
Ang Banal ay isa sa mga projects na unang basa pa lang ni Boyet sa script ay hindi na binitawan at tuluy-tuloy binasa hanggang matapos. Kahit hindi siya ang original choice sa role ni Maj. Sagala, ‘yun talaga ang kanyang pinili.