Ara binitbit si Cristine
Kapamilya na ring matatawag si Ara Mina dahil bida na siya, isa sa dalawang babaeng bida, bagaman at kontrabida ang role niya, sa Book 2 ng Prinsesa ng Banyera, topbilled by Kristine Hermosa at ni Angelika dela Cruz na mawawala sa Book 2.
“Pero, hindi ko siya pinapalitan. Iba ang role ko as Cassandra. Ako ang tunay na Prinsesa ng Banyera at kung paano mangyayari ito ang siyang dapat n’yong abangan,” sabi ni Ara Mina sa isang exclusive at intimate presscon na ibinigay sa kanya ng Dos bilang pagsalubong.
Sa January pa mapapanood si Ara sa nasabing teleserye. Magsisimula na siya mag-taping sa buwang ito.
Hindi pa naman tuluyang iniiwan ni Ara ang GMA 7. Mayroon pa siyang isang programa rito, ang Bubble Gang na sabi niya ay hindi pa alam ang paglabas niya sa Prinsesa ng Banyera.
“Pero, sa GMA 7, nagpaalam ako. Maski na nung pa-guest guest lang ako ay nagpapaalam ako sa kanila.
“Mayroon nga silang inoffer sa aking bagong teleserye pero, tinanggihan ko. Hindi fit sa akin ang role, lalabas akong nanay ng isang bagets na bata lang konti kay Polo (Ravales, dating boyfriend niya).
“Okay nung maging anak ko Angel (Locsin) sa Mulawin dahil fantasy yun pero ayaw ko na maging nanay ng isang adult.
“May second offer sa akin ang GMA pero, hindi ko na tinanggap huli na kasi, nakapagbigay na ko ng pangako sa ABS. Sayang din dahil teleserye ito at nasa primetime pa pero, ayaw kong sumira sa pinag-usapan.”
Pero, nilinaw ni Ara na hindi siya exclusive sa ABS. Hanggang sa Prinsesa ng Banyera lamang ang kontrata niya. Sinabi niyang isa siyang freelancer.
“Pero si Cristine (Reyes, sister niya na nasa Banyera rin) ay hindi ko isinama. Sariling desisyon niya na tanggapin ang role niya sa Prinsesa ng Banyera. Hindi kami package deal,” paliwanag niya.
Looking forward si Ara sa kanyang bagong show.
“Excited ako dahil ayaw ko naman na puro comedy ang gagawin ko. Gusto ko rin namang mag-drama. Naghahanap ako ng something for my career, para di naman masayang ang pinaghirapan ko. At baka sa Dos magka-lovelife ako bigla,” pagtatapos niya.
* * *
Nanghihinayang si Direk Kaka Balagtas na matapos niyang bigyan ng magandang trato si Valerie Concepcion habang ginagawa nila ang Anak ng Kumander topbilled by Manny Pacquiao ay kung anu-ano na ang naririnig niya mula sa kampo nito.
“Katulad nung kissing scene nila ni Manny. Hindi naman siya pinilit na gawin ito. Pumayag siyang gawin ito dahil alam niyang kailangan sa istorya. Tapos ipinatatanggal ng manager niya, kesyo wholesome daw ang alaga niya. Eh hindi naman masagwa yung eksena. Pero, ipinatanggal ko na rin, tutal hindi naman yun ang ibinibenta ng pelikula.
“Nagtataka talaga ako dahil kung may nagkulang sa amin, si Valerie yun. Biruin mo, tatlong araw niyang pinapaghintay kami sa set sa
“Siguro kung magkakaroon muli ako ng pelikula di ko na kukunin si Valerie. Baka pa, kung hindi ako makikipag-usap sa manager niya,” nagagalit na sabi ng direktor.
Kasama ni Manny sa pelikula sina Ara Mina, Perla Bautista, Lara Morena, Roi Vinzon, Efren Reyes, Dante Rivero, Long Mejia at Rogelio Pacquiao.
* * *
Bumalik ang apat na na-eliminate na contenders ng Philippines Hair Diva 2007 para samahan ang pitong natira na magpasaya ng mga pasyenteng bata na may cancer ng PGH at Childhouse. Namahagi rin sila ng mga pagkain, damit at gamot na binili mula sa serbisyong ibinigay nila sa tao.
Subaybayan ang pitong nalalabi sa Gandang Ricky Reyes, 10-11 NU sa QTV 11 tuwing Linggo.
- Latest