Marami ang nagulat nang sa tuwing lumalabas sa screen si Marian Rivera ay dumadagundong sa sinehan ang palakpak ng mga manonood. Ito ay sa kabila ng pangyayaring marami sa cast ng Bahay Kubo ay sinuportahan ng kanilang mga tagahanga. Evident ito sa pagsigaw nila sa pangalan ng kanilang mga idolo. May mga dala pa silang mga banners and streamers.
Sayang nga at di namin siya nakasama sa remote telecast ng Walang Tulugan sa Manaoag, Pangasinan. Biniro ko kasi ang audience, tinawag ko ang pangalan niya at biglang nagsigawan ang audience, akala naroon siya. Natawa na lamang sila nang sa halip na si Marian ay si Shalala ang lumabas.
Napansin ko lamang habang sumisikat siya ay lalong dumarami ang gustong i-down siya. Eh, si Marian, tatahi-tahimik lang. Kahit iniintriga na, hindi pa kumikibo. Nagtataka nga ako kung bakit sinasabihan siyang suplada, dahil daw hindi ngumingiti. Eh, kung puyat na puyat ka ba at ngarag sa trabaho, magagawa mo pang ngumiti?
* * *
Sabi ni Vero (Samio), parehong magaling si Shaina Magdayao sa pagganap niya sa mga roles niya sa Katas ng Saudi na kung saan ay isa siyang mataray na anak ni Jinggoy (Estrada) na isang OFW ang role at Bahay Kubo na nag-iisa siyang tunay na anak nina Maricel Soriano at Eric Quizon na napaka-hilig mag-ampon.
Outstanding din daw ang acting nina Maria, Jiro Manio at Eugene Domingo. Malakas ang laban nila sa awards night na gagawin na ngayon makatapos ang MMFF. Dati kasi, di pa tapos ang festival ay nagbibigay na ng awards. Pero ngayon, tatapusin na muna ang festival bago magbigay ng awards.
Magaganda ang mga entries ngayon sa filmfest. Talagang pinaganda. Nakapanghihinayang nga dahil kung MMFF lamang parang nabubuhay ang industriya pero kesa naman mamatay ito ng tuluyan mabuti ang kahit minsan, may mga ipinalalabas na magagandang local movies. At least hindi tuluyang mamamatay ng industriya.
Yung Resiklo ni Sen. Bong Revilla sa abroad pa pinalagyan ng sound. Dahil di pa kaya rito yung lakas ng sound na gusto niyang mangyari sa Resiklo na kung hindi raw P100M ang kitain sa takilya ay malulugi siya.
Pareho namang nakakaiyak at pareho ring maganda ang Bahay Kubo ng Regal at Katas ng Saudi ng Maverick Films. Sayang at di ko napanood ang isa man sa mga ito dahil sa sobrang kaabalahan. Sana sa regular run magkaroon ako ng time.
Ang dami kasing dapat abangan — Anak ni Kumander, Desperas, Shake, Rattle & Roll 9, Enteng Kabisote 4, Banal at Sakal Sakali Saklolo.
* * *
Nalulungkot ako dahil di na ako nakakapagpa-party sa entertainment press. Dati-rati ako ang pinaka-unang magbigay ng party at di rin naman na nahuhuli ang pa-raffle ko. Mabuti naman at mayroon nang nagti-take over. Tulad ni Dingdong Dantes who will remain in local showbiz circle na solong nagbigay ng pinaka-bonggang Christmas party sa press. Ditto with the Gutierrez family na wala raw press na pinauwing luhaan at si Bong Revilla na P300,000 cash ipina-raffle bukod pa sa mga household appliances.
Balita ko nag-grand slam si Vero sa mga pa-party na ito. Halos makukumpleto na niya ang ipinaaayos niyang bahay. Nagtatanong pa nga kung wala raw bang nagpa-raffle ng furniture dahil wala siyang sala, set dining set at kama. Abuso ka na, Vero ha.
Kapag naalala ko ang mga pa-party ko nun, iniisip ko kung saan ba ako kumuha ng pambili ng mga ipina-raffle ko.