Nagpalakpakan sina Yasmien Kurdi, Jiro Manio, Rayver Cruz at Shaina Magdayao nang i-announce sa presscon ng Bahay Kubo na tuloy ang showing ng pelikula nila sa December 25 playdate. Hindi kasi pumayag ang Metro Manila Film Festival screening committee na pagpalitin ang playdate nito at ng Desperadas.
Natanggap na ng Regal Entertainment ang sagot ng MMFF na pirmado ng apat na tao kabilang sina Atty. Espiridion Laxa at Ric Camaligan. Nakalagay daw sa sulat na “not granted” ang request ng Regal. Kaya, nang malaman ng mga bagets, nagpalakpakan ang mga ito sa tuwa.
On the other hand, tiyak na mapapalitan ng “sayang” ang “yahoo” reaction ni Rufa Mae Quinto sa aborted plan na unahing ipalabas ang kanilang pelikula.
Kahit pumalakpak at nagpahayag ng katuwaan, kita sa mga mata ni Rayver ang lungkot sa narinig sa press na sa Regal movie na muna mapapanood ang loveteam nila ni Shaina Magdayao dahil bubuwagin ito ng ABS-CBN.
Next year, si Piolo Pascual ang makakasama ni Shaina sa Lobo at si Rayver naman ay leading man ni Maja Salvador sa Anna Liza, pero sabi ng young actor, hindi magiging dahilan ‘yun para tumigil siya sa panliligaw kay Shaina.
“Hindi mabubuwag ang loveteam namin, mas close nga kami ngayon. Wait pa rin ako sa sagot niya at gagawin ko pa rin ang dati na inaalagaan ko siya sa shooting at kung may kailangan siya, nandito lang ako,” pahayag ni Rayver.
Kaya lang, habang sinasabi niya ‘yun, hindi nakatingin sa kanya si Shaina, in fact, nakatalikod ito sa kanya. Ano kaya ang ibig sabihin ng body language ng young actress? (NITZ MIRALLES)