Thank you kay Papa Manny Villar na nagsalita kahapon na handa siyang suportahan ako sa libel case na isinampa laban sa akin nina Piolo Pascual at Sam Milby.
Touched ako sa kindness ni Papa Manny pero never kong inisip na lumapit sa kanya dahil carry ko naman na panindigan ang isyu na pinasok ko.
Kesa abalahin ko si Papa Manny, susuportahan ko siya sa kanyang panukala na gawing National Artist si Mang Dolphy. Ito ang kanyang bill na gustong ipasa:
Isinusulong ni Senate President Manny Villar na gawaran ng National Artist Award ang King of Comedy na si Dolphy bilang pagkilala sa kanyang kahusayan at pagiging malikhain sa industriya ng pelikula.
Sa isang sulat kay Chairman Emily Abrera ng Cultural Center of the Philippines (CCP), iminungkahi ni Villar na ibigay ang National Artist Award (Gawad Pambansang Sining) kay Dolphy, Rodolfo Quizon sa tunay na buhay.
Sinabi ni Villar na kung ibabatay sa mga probisiyon ng Proklamasyon 1001, serye ng 1972, ang batas ukol sa nabanggit na pagkilala, higit pa sa pagiging kuwalipikado si Dolphy sa parangal.
“Si Dolphy ay isang alagad ng sining na pumukaw sa pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mga pelikula. Si Dolphy, bilang bida sa naging pinakamatagal na palabas sa telebisyon na John and Marsha at sa John en Shirley ay hindi lang gumaganap sa papel na Mang John, bagkus ay ipinakikita niya ang tunay na buhay ng isang ordinaryong Filipino,” diin ni Villar sa kanyang sulat na may petsang Nobyembre 7, 2007.
Kinilala ni Villar na nagsilbing huwaran si Dolphy ng sumunod na henerasyon ng mga artista at nangibabaw dahil sa malikhain niyang estilo.
“Ipinakilala ni Dolphy ang napakagandang sining ng vaudeville. Ang kanyang kahusayan sa sining ay nasubok sa matatag niyang pananatili sa kompetitibong industriya ng pelikula,” dagdag ni Villar.
Kinilala rin ni Villar ang pagganap ni Dolphy sa klasiko ni Lino Brocka na Ang Tatay Kong Nanay dahil sumalamin ito sa papel ng maraming Filipino bilang solo parent.
“Sa Once Upon A Time na kolaborasyong Peque Gallaga-Lore Reyes, hindi makakalimutan ang papel ni Dolphy bilang bayani sa isang alamat. Sa Omeng Satanasia, pinatawa nang husto ang mga Filipino sa itim na komedya,” ani Villar.
Sinabi ni Villar na respetado si Dolphy ng mga kasamahan sa industriya at umani na ng mga parangal hindi lang dito kundi maging sa ibayong dagat.
Ayon kay Villar, pangulo ng Nacionalista party, si Dolphy, kasama ng mga anak na sina Eric at Epi Quizon ay tumanggap ng Prix de la Meillure, katumbas ng tropeo para sa pinakamahusay na aktor, sa 2000 Belgium International Film Festival para sa kanilang pagganap sa pelikulang Markova ni Gil Portes.