Sa presscon ng Enteng Kabisote 4: Okay Ka, Fairy Ko (The Beginning of the Legend), kinontra ni Vic Sotto ang taguring sa kanya na ‘the other comedy king’ dahil nag-iisa lamang daw ang ‘comedy king’ at walang iba ‘yun kundi si Dolphy.
Speaking of Dolphy, kinumpirma ni Vic na wala na umanong atrasan ang pagsasama nila ng comedy king sa isang pelikula na kanilang sisimulan sa second week of January next year. Nasa pre-production stage na raw sila pero wala pa umanong titulo.
May mutual admiration sina Dolphy at Vic sa isa’t isa. Hindi ikinakaila ni Vic na idolo niya ang long-time sweetheart ni Zsa Zsa Padilla at si Dolphy naman ay hanga kay Vic dahil sa kakaiba nitong atake sa pagpapatawa.
Personal ding pinabulaanan ni Vic ang balita na may sakit umano ang hari ng komedya kaya malabong matuloy ang pelikulang pagsasamahan nila.
Samantala, sinabi ni Vic na ang taunan niyang pagsali sa Metro Manila Film Festival ay hindi para makipagtunggali sa box office supremacy kundi para magbigay lang ng kasiyahan sa panahon ng Kapaskuhan.
“Taun-taon, sinasabi ko na sana’y kumita ang lahat na kalahok ng MMFF dahil pare-pareho naman kami ng hangarin.
“Siyempre, bonus na sa amin kapag malakas ang aming pelikula sa takilya,” paliwanag pa ng darling ni Pia Guanio.
Ipinagmamalaki ni Vic ang kanyang Enteng Kabisote 4 dahil ibang-iba umano ito sa kanyang tatlong naunang version ng Enteng Kabisote.
“Kung inyong nasubaybayan sa telebisyon ang Okay Ka, Fairy Ko, siguradong pamilyar kayo sa mga characters doon na aming binuhay dito sa bagong Enteng Kabisote.”
“Makikita n`yo rin ang pagsisimula ni Aiza (Seguerra). Sa hindi nakakaalam, si Aiza ang dahilan kung bakit nabuo ang Kabisote,” ani Vic.
Kung si Maricel Soriano ay parang anak na ang turing ni Dolphy, ganundin naman si Vic kay Aiza.
Hindi nakadalo si Direk Tony Reyes sa presscon ng pelikula nila ni Vic dahil kasalukuyan itong nasa Hong Kong kung saan prino-process ang special effects ng pelikula.
* * *
Hindi ikinakaila ni Judy Ann Santos na nung una nilang tambalan ni Ryan Agoncillo sa pelikula ay nakakaranas pa sila ng kaunting tension dahil minsan ay nagkakatampuhan sila pero ngayon ay smooth sailing na raw ang kanilang working relationship dahil pareho na nilang naiintindihan hindi lamang ang kanilang sitwasyon bilang magkasintahan kundi bilang co-workers at maging ang mga taong nakapaligid sa kanila.
“I would say na pareho na kaming nag-mature sa aming mga pag-iisip ni Ryan. Wala na sa amin ang selosan. Kung meron man kaming hindi pagkakaintindihan, hindi namin tinatapos ang araw na hindi namin naaayos,” pahayag niya sa presscon ng Sakal, Sakali, Saklolo kung saan mag-asawa na ang kanilang ginagampanang role at meron silang isang anak.
Hindi pa man mag-asawa sina Juday at Ryan, unti-unti na rin silang nasasanay bilang adoptive parents ni Yojan. Kaya pagdating ng araw na sila’y mag-asawa na at nagsasama sa iisang bubong, hindi na sila mahihirapang mag-adjust bilang mga magulang dahil ginagampanan na nila ito ngayon kay Yojan.
* * *